Lamasan

Pagkamatay ni Lamasan dulot ng aksidenteng pagputok ng baril

Jun I Legaspi Jan 7, 2026
184 Views

KINUMPIRMA ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Miyerkules na ang pagkamatay ni Dueñas, Iloilo Vice Mayor Aimee Paz Lamasan ay dulot ng aksidenteng pagputok ng baril.

Personal na nagtungo si Secretary Remulla sa Iloilo upang tiyakin ang masusing at patas na imbestigasyon, at upang tugunan ang pagkalat ng maling impormasyon kaugnay ng insidente.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtitiyak sa mga totoong pangyayari sa gitna ng mga haka-haka at maling ulat.

Mariing itinanggi ng Kalihim ang mga espekulasyong may kinalaman sa pulitika, pinansyal na suliranin, o isyung pangkalusugan ng isip kaugnay sa pagkamatay ng bise alkalde. Pinabulaanan din niya ang anumang kaugnayan ni Lord Byron Torrecarion, karelasyon ng bise alkalde, sa insidente, batay sa matagal at maayos nilang samahan na kinumpirma ng pamilya ng biktima.

Batay sa mga natuklasan ng Philippine National Police (PNP)—kabilang ang scene reconstruction, salaysay ng mga saksi, at forensic examination—nagresulta ang insidente mula sa hindi sinasadyang pagputok ng isang 9mm pistol sa loob ng tahanan ni Lamasan sa La Paz, Iloilo, habang siya ay nagsusuri ng naturang baril.

Kasama si Acting PNP Chief Gen. Nartatez, bumisita si Secretary Remulla sa burol ng yumaong bise alkalde sa Dueñas, Iloilo upang magpaabot ng pakikiramay at magbigay-pugay. Kanyang kinilala ang tapat na paglilingkod ni Vice Mayor Lamasan sa kanyang mga kababayan at ang matibay na ugnayan ng kanyang pamilya.