Calendar
TULFO SA KAPIHAN SA SENADO — Sinabi Sen. Erwin Tulfo, vice chairman ng Senate Finance Committee, sa Kapihan sa Senado nitong Enero 8, 2026 na sang-ayon siya sa pagkakaroon ng oversight committee sa Kamara de Representantes at Senado upang matutukan at mabantayan ang tamang paggamit ng 2026 national budget. JOSEPH MUEGO
Unprogrammed items sa budget may agam-agam Sen. Erwin Tulfo
IGINIIT ni Senador Erwin Tulfo nitong Huwebes na dapat alisin ang unprogrammed appropriations sa pambansang badyet, dahil maaari umano itong pagmulan ng korapsyon at maling pagpa-plano sa paggasta ng gobyerno.
Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Tulfo na may agam-agam siya sa paglalagay ng mga unprogrammed item sa 2026 budget kahit pa niya ito sinuportahan bilang bahagi ng mayorya.
“Medyo pumirma ako pero with heavy hearts,” aniya. “Unprogrammed is like kung may pera, saka muna natin popondohan. Kung walang pera, huwag mo pong pondohan.”
Ayon kay Tulfo, hindi makatwiran ang pagkakaroon ng unprogrammed appropriations sa gitna ng patuloy na budget deficit ng bansa.
“Why will you have unprogrammed projects? Wala kang pera,” aniya, sabay paghahambing nito sa paggastos na lampas sa kakayahan ng isang pamilya. Dagdag pa niya, “Pwede na maging source ng corruption yung unprogrammed.”
Bagama’t sinabi niyang maaari pa ring isaalang-alang ang mga foreign-assisted projects, iginiit ni Tulfo na layunin niyang tuluyang alisin ang unprogrammed appropriations sa 2027 national budget.
“Kung ako lang masusunod, alisin ko yung unprogrammed program na ’yan,” aniya, at binanggit na mas mahirap abusuhin ang mga proyektong may kasamang foreign counterparts.
Ipinahayag din ni Tulfo ang suporta sa panukalang pagbuo ng joint congressional oversight committee on public expenditures na unang iminungkahi ni Sherwin Gatchalian.
Aniya, hindi sapat ang pag-asa lamang sa mga ulat ng ahensya. “Huwag lang tayong mag-re-rely sa report ng agencies kasi may sabwatan, may collusion,” dagdag niya, at nanawagan ng random at aktuwal na inspeksyon sa mga proyekto.
Binanggit ng senador na dapat tutukan ang mga proyektong may mataas na panganib sa korapsyon gaya ng public works, irrigation, at flood control, lalo na ang mga proyektong paulit-ulit na napo-pondo ngunit hindi natatapos.
Aniya, kailangang magpadala ng mga tao sa field upang masigurong may aktuwal na implementasyon.
Inamin din ni Tulfo na hindi agad mawawala ang korapsyon sa sistema ng pamahalaan. “You cannot stop corruption immediately,” aniya. “Siguro dahan-dahan. It will take years.”
Gayunman, sinabi niyang nakatutulong ang mga hakbang sa transparency tulad ng livestreaming ng bicameral conference committee deliberations upang mapigilan ang pang-aabuso at mabigyan ng pagkakataon ang publiko na bantayan ang proseso ng badyet.
“Mabuti nga nangyari ito para nakita pati ng tao kung saan pupunta,” aniya.

