VAT

Escudero: Pag-alis ng 12% VAT sa kuryente makakatulong ng di sinisira pananalapi ng gobyerno

243 Views

SINABI ni Senador Francis “Chiz” Escudero na dapat lamang i-exempt sa 12-porsiyentong value-added tax (VAT) ang halaga ng kuryente upang mabawasan ang pasanin ng mga pamilya at negosyo nang hindi naaapektuhan ang fiscal stability ng pamahalaan.

Ayon kay Escudero, ang panukala sa ilalim ng Senate Bill No. 496 ay nakatuon lamang sa sektor ng kuryente at hindi sa malawakang pagbawas ng VAT.

Kinilala rin niya ang pahayag ni Executive Secretary Ralph Recto na nagbabala laban sa panukalang ibalik sa 10 porsiyento ang expanded VAT dahil sa ₱1.6-trilyong utang ng gobyerno.

“While broad tax cuts may strain government revenues, lifting the tax on electricity is a fiscally responsible choice. It balances social equity with economic necessity, ensuring that families and industries feel relief without compromising our ability to service debt, among others,” ani Escudero.

Binanggit ng Senador na kabilang pa rin ang Pilipinas sa may pinakamataas na singil sa kuryente sa Asya, na nagtutulak pataas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Hinimok niya ang Senado na pabilisin ang pagtalakay sa panukalang kasalukuyang nakabinbin sa Committees on Ways and Means at Energy.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 496, kabilang sa mga isinusulong na i-exempt sa VAT ang bentahan ng kuryente ng generation, transmission, at distribution companies at electric cooperatives, pati na ang serbisyo ng mga franchise grantees ng electric utilities.

“SB 496 seeks to address the high electricity cost by exempting electricity sale from value-added tax. Such tax relief can lower operating costs of industries and businesses, temper inflation, and increase disposable household income while generating revenue through increased economic activity and consumption,” ayon kay Escudero.

Tinukoy rin niya ang panukala bilang isang direktang hakbang laban sa inflation.

“Every peso saved on power bills translates to more affordable goods and stronger competitiveness. This is a targeted strike against inflation, not a blanket reduction that risks fiscal imbalance,” aniya.

Sinabi ni Escudero na hindi dapat ipagkamali ang kanyang panukala sa mga panawagang ibalik sa mas mababang antas ang expanded VAT, at binanggit na may batayan ang pag-iingat ni Executive Secretary Ralph Recto laban sa malawakang pagbawas ng buwis, subalit iginiit na ang panukala ay limitado ang saklaw at nakatuon sa pagtugon sa mataas na singil sa kuryente habang isinasaalang-alang ang kalagayang pananalapi ng pamahalaan.