Kabaong

KALSADA GINAWANG KARERAHAN NG MGA BUS NG 2 KOMPANYA

175 Views

NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause orders (SCO) sa dalawang bus companies, batay sa magkahiwalay na pagsisiyasat ukol sa mga viral na video sa social media na nagpapakita na tila nagkakarera ang mga ito sa kalsada.

Ayon sa LTO, na pinamumunuan ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, walang ingat na nagmamaneho ang mga bus sa pampublikong kalsada, na nagdulot ng panganib sa kaligtasan ng ibang mga motorista.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, ipinakita sa video na ang mga bus ay palipat-lipat ng linya habang nagbibiyahe at tila nagkakarera sa isa’t isa ang mga drayber ng bus nang hindi nagbibigay ng tamang senyas sa ibang motorista.

Binigyang-diin ni Lacanilao na ang kaligtasan ng mga mamamayan sa mga kalsada ay ang unang prayoridad.

“Hindi tayo papayag na magkaroon ng anumang uri ng pagmamaneho na nagbabanta sa buhay at kaligtasan ng ating mga kababayan. Ang mga kompanyang nagpapatakbo ng pampublikong sasakyan ay may malaking pananagutan na tiyakin na ang kanilang mga drayber ay may sapat na kakayahan, disiplina at paggalang sa mga batas trapiko,” ani Lacanilao.

Idinagdag pa ng LTO chief na sa kabila ng maraming SCO na inilabas ng ahensiya sa nakaraang mga buwan, patuloy pa rin ang pagkalat ng mga drayber na walang disiplina, lalo na sa mga pampublikong sasakyan.

Ang mga insidente tulad ng reckless driving, pagkarera sa kalsada, kawalan ng tamang senyas at paglabag sa mga batas trapiko ay patuloy na nagdudulot, hindi lamang ng panganib sa mga pasahero, kundi pati na rin sa lahat ng gumagamit ng kalsada.

Ayon sa SCO, iniimbitahan ang mga drayber ng parehong bus companies na sangkot sa insidente na dumalo sa hearing ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa East Avenue, Quezon City, sa ika-16 ng Enero ng ala-1 ng hapon.

Kailangan nilang magsumite ng sinumpaang o napatunayang paliwanag kasama ang mga kaukulang orihinal na dokumento, para tugunan kung bakit hindi dapat patawan ang mga nakarehistrong may-ari ng administratibong kaso sa pagkuha ng drayber at panagutin sila sa walang ingat na pagmamaneho, at kung bakit hindi dapat suspendihin ang kanilang mga lisensiya dahil sa hindi angkop na pagmamaneho ng sasakyan.

Samantala, ang dalawang bus ay ilalagay sa ilaim ng alarm status at ang mga lisensiya ng mga drayber ay suspendido sa loob ng 90 araw habang patuloy ang imbestigasyon.

Sila ay inaatasan din na isuko agad ang lisensiya ng mga drayber pagkatanggap ng SCO.

Pinapaalala ng LTO na ang kabiguang humarap at magsumite ng kinakailangang verified o sinumpaang paliwanag ng mga drayber at may-ari ng mga bus ay ituturing na kusang pagtalikod sa karapatang marinig ang kanilang panig, at ang kaso ay dedesisyunan batay sa mga ebidensiyang nasa rekord ng ahensiya.