Patay

Kelot inambush paglabas ng billiard hall, todas

Bernard Galang Jan 10, 2026
291 Views

SAN MANUEL, Tarlac — Isang 38-anyos na lalaki ang patay sa pamamaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa MacArthur Highway sa Barangay Salcedo dito noong Biyernes.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., kinilala ng pulisya ng Tarlac ang biktima na alias Gerardo residente ng nasabing barangay.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya ng San Manuel, kakalabas lamang ng biktima sa isang billiard hall nang dumating ang dalawang suspek sakay ng isang motorsiklo at pinagbabaril siya.

Nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Matapos ang insidente, agad na tumakas ang mga suspek patungong timog na direksiyon.

Agad namang nagsagawa ng Oplan Kandado o dragnet operation ang mga rumespondeng pulis sa mga kalapit na lugar.

Humingi rin ng tulong ang pulisya sa Tarlac Provincial Forensic Unit upang magsagawa ng pagproseso sa pinangyarihan ng krimen, habang nagpapatuloy ang follow-up investigation upang matukoy at madakip ang mga salarin.

Hinihikayat ng mga awtoridad ang sinumang may impormasyon hinggil sa insidente na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.