BJMP

Yamsuan pinuri pagtaas ng food allowance ng mga PDL sa 2026 budget

300 Views

PINURI ni Paranaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan ang pagtaas sa P100 kada araw ng subsistence allowance ng mga bilanggo sa ilalim ng panukalang pambansang badyet para sa 2026.

Bilang dating opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG), si Yamsuan ay isa sa mga nangungunang tagapagtaguyod ng panukalang itaas ang subsistence at medicine allowances ng mga bilanggo, na tinutukoy bilang persons deprived of liberty (PDLs). Ang subsistence at medicine allowances kada PDL ay nanatili sa P70 at P15 kada araw, ayon sa pagkakabanggit, mula pa noong 2019.

“Dapat tratuhin nang makatao, may dignidad at may malasakit ang mga persons deprived of liberty. Kahit sino naman ay magsasabing kulang na kulang ang P70 kada araw para sa kanilang pagkain. Umaasa kami na ang matagal nang hinihintay na pagtaas na ito ay makatutulong sa mga opisyal ng ating mga kulungan sa pagtugon sa nutrisyunal na pangangailangan ng mga PDL,” pahayag ni Yamsuan, na dating Assistant Secretary ng DILG.

“Batay sa kasalukuyang presyo ng pagkain, maaaring hindi pa rin sapat ang isang daang piso kada araw. Ngunit kahit paano, ito ay isang panimula. Patuloy naming isusulong ang makataong kalagayan ng pamumuhay para sa ating mga PDL, na mahalagang sangkap sa kanilang rehabilitasyon,” dagdag pa niya.

Inaprubahan ng Bicameral Conference Committee (Bicam), na tumalakay sa panukalang 2026 General Appropriations Bill, ang P100 kada araw na subsistence allowance para sa mga PDL at ang bahagyang pagtaas sa P20 kada araw para sa kanilang medicine allowance.

Saklaw ng mga pagtaas na ito ang mga PDL na nakakulong sa mga piitan na pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), isang attached agency ng DILG; at sa mga pasilidad na pinamamahalaan ng Bureau of Corrections na nasa ilalim ng Department of Justice (DOJ).

Bilang miyembro ng Bicam, ikinalungkot ni Yamsuan na hindi pinahintulutan ng fiscal space sa 2026 budget ang mas malaking pagtaas sa medicine allowance ng mga PDL.

“Ang P20 kada araw na medicine allowance ay malinaw na lubhang hindi sapat, lalo na’t kakaunti lamang ang medical personnel na inatasang magbigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga PDL na nakakulong sa masisikip at hindi maayos na mga kulungan ng BJMP sa buong bansa. Ipagpapatuloy namin ang adbokasiya para sa pagtaas ng medicine allowance ng mga PDL sa pambansang badyet sa susunod na taon,” ani Yamsuan.

Nagpahayag din siya ng pag-aalala sa kakulangan ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga kulungang pinangangasiwaan ng BJMP sa ilalim ng 2026 budget, na sana’y makatutulong sa mga hakbang ng ahensya para sa decongestion.

Binigyang-diin ni Yamsuan na ang mga pagtaas sa subsistence at medicine allowances ng mga PDL para sa 2026 ay nakabatay sa mas mababang bilang na 141,843 na inaakalang detainees sa mga kulungan ng BJMP ngayong taon, kumpara sa mas mataas na 182,556 na inaakalang bilang ng mga PDL noong 2025.

“Alam nating lahat ang antas ng pagsisikip sa ating mga kulungan at ang kalagayan ng ating mga PDL. Dapat paigtingin ng BJMP ang mga hakbang sa decongestion ng mga pasilidad nito ngayong taon upang mapanatili ang bilang ng mga PDL sa loob ng inaasahang bilang sa ilalim ng 2026 budget at matiyak na ang P100 arawang subsistence allowance ay lubos na mapapakinabangan ng bawat detainee na nasa kanilang pangangalaga,” pahayag ni Yamsuan.

Ipinakikita ng pinakahuling datos na bahagyang bumaba ang congestion rate sa mga kulungan ng BJMP mula 296 porsiyento noong Mayo 2025 patungong 286 porsiyento noong Setyembre 2025.

Batay sa datos ng BJMP noong Hulyo 2025, ang kabuuang bilang ng mga PDL na nasa ilalim ng pangangasiwa nito ay 115,065 inmates.