Calendar
Pagkakasangkot ng govt forces sa cigarette smuggling imbestigahan–Sen. Win
NAGHAIN si Sen. Sherwin Gatchalian ng resolusyon upang magsagawa ng imbestigasyon sa Senado dahil sa pagkakasangkot ng ilang miyembro ng government security forces sa malawakang tobacco smuggling.
Ayon kay Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Finance, lubhang nakababahala ang mga alegasyon dahil ang mga nasasangkot umano ay mga matataas na ranggo ng uniformed personnel na dapat sana’y nagtatanggol sa seguridad ng bansa, nagpapatupad ng batas at nagpoprotekta sa buhay at ari-arian ng mamamayan.
“Ang ilegal na kalakalan ng tobacco products ay hindi lamang hadlang sa kita dahil sa hindi nababayarang mga buwis. Nilalabag din nito ang umiiral na batas, isang panganib sa kalusugan ng publiko,” ayon sa senador sa paghahain niya ng Senate Resolution 250.
Ang panukalang resolusyon ay kasunod ng pahayag ng Highway Patrol Group na ang mga hinihinalang financier ng grupong sangkot sa smuggling ng sigarilyo at tobacco products ay mga “miyembro ng security forces,” ayon sa impormasyong binanggit sa dokumento.
Kamakailan ay inaresto ng mga awtoridad ang pitong Chinese national na umano’y sangkot sa pagpupuslit ng mga sigarilyong nagkakahalaga ng P129.06 milyon sa Quezon City at Valenzuela.
Noong Disyembre 2025, iniulat din ng Highway Patrol Group ang pagkakadiskubre ng P2.6 bilyong halaga ng mga smuggled na tobacco products sa Malabon at Batangas City.
Layunin ng resolusyon na matukoy ang lawak ng umano’y pagkakasangkot ng ilang security personnel sa cigarette smuggling.

