Calendar
Kamara: Ang pagtanggap ng mga reklamong impeachment pormal na proseso na pinamamahalaan ng mga alituntunin
IPINAGTANGGOL noong Biyernes ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang desisyon ng Office of the Secretary General na hindi tanggapin ang isang reklamong impeachment sa kawalan ng Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, at binigyang-diin na ang naturang hakbang ay alinsunod sa House Rules at sa matagal nang umiiral na parliamentary practice.
“Ang pagtanggap ng reklamong impeachment ay hindi basta-basta o karaniwang transaksiyong klerikal,” pahayag ni Adiong, isang kasapi ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD). “Ito ay pormal na gawaing konstitusyonal na dapat mahigpit na sumunod sa House Rules. Hindi ito maaaring basta na lamang gawin, ipasa sa iba nang walang sapat na awtoridad, o ituring na simpleng drop-off lamang.”
Ipinaliwanag ni Adiong, na kasapi ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, na ang maingat na prosesong ito ay pagkilala sa kahalagahan at bigat ng isang reklamong impeachment.
Ayon sa Rules of the House of Representatives, sinabi ni Adiong na ang mga reklamong impeachment ay dapat pormal na ihain at tanggapin ng Secretary General, na nagsisilbing opisyal na tagapag-ingat ng mga rekord at sertipikasyon ng Kamara. Ang pagtanggap sa naturang reklamo ay hindi isang simpleng ministeryal na gawain.
“Kinakailangan ng Secretary General, sa oras ng pagtanggap, na tiyakin kung kumpleto ang reklamo at kung ito ay sumusunod sa mga itinakda ng Konstitusyon at ng mga alituntunin hinggil sa porma, kabilang ang beripikasyon, mga endorsement, at mga kalakip na dokumento,” ayon kay Adiong. “Hindi ito isang mekanikal na tungkulin na maaaring gampanan nang walang sapat na awtoridad o pananagutan.”
Dagdag pa niya, mahalaga ang mga epekto ng opisyal na pagtanggap. “Dahil po rito, kapag opisyal nang tinanggap ang reklamo, kinakailangan na itong i-refer sa Speaker, at may direktang epekto ito sa ipinatutupad na one-year ban. Dahil dito, mahalagang-mahalaga ang mahigpit na pagsunod sa mga alituntunin.”
Binigyang-diin ni Adiong na sa kawalan ng Secretary General—o ng isang opisyal na awtorisadong acting official—hindi maaaring balidong tanggapin ng kanyang tanggapan ang isang reklamong impeachment, sapagkat magdudulot ito ng seryosong mga tanong ukol sa integridad, pagiging kumpleto, at opisyal na pagkilala sa paghahain ng reklamo.
“Ang pagtanggap ng reklamong impeachment nang wala ang Secretary General ay maglalantad sa Kamara sa mga hamong procedural at mga alegasyon ng iregularidad,” ani Adiong. “Iyan ang magiging mas seryosong paglabag sa tungkulin.”
Idinagdag pa niya na ang pagliban ng Secretary General ay dahil sa isang opisyal at nakaiskedyul na overseas engagement na may sapat na dokumentasyon at alam ng publiko. “Bukod dito, ang Kamara ay kasalukuyang nasa legislative recess, kaya hindi po inaasahan na kumpleto ang mga tauhan araw-araw, at marami sa kanila ang may mahahalagang opisyal na tungkulin na ginagampanan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas o sa labas ng bansa.”
“Walang pagtanggi na tumanggap ng anumang reklamo,” giit ni Adiong. “Ang mayroon lamang ay ang mahigpit na pagsunod sa mga alituntunin kung paano nararapat na tanggapin ang mga ganitong reklamo.”
Binanggit din niya na ang mga opisyal na aksyon ng Secretary General ay may presumption of regularity. “Sa anumang kaso, ang mga aksyon ng Secretary General ay pinaniniwalaang regular, maliban na lamang kung may malinaw at matibay na ebidensya ng masamang loob o intensyong umiwas sa tungkulin—na wala namang naipakita.”
Binigyang-diin ng mambabatas na ang mga alituntunin sa paghahain ay umiiral upang mapangalagaan ang integridad ng proseso ng impeachment.
“Ang impeachment ay isang prosesong konstitusyonal na may mabibigat na kahihinatnan,” ani Adiong. “Ito ay pinamamahalaan ng kahigpitan at katumpakan, hindi ng kaginhawaan. Ang pagsunod sa mga alituntunin ay hindi pagharang—ito ay mismong pagpapatupad ng Konstitusyon.”

