Kamara

Kamara binuksan debate sa Anti-Dynasty Bill

189 Views

BINUKSAN ng House of Representatives noong Martes ang pormal na pagtalakay sa panukalang Anti-Political Dynasty bill, sa pag-angkla sa mga prinsipyong konstitusyonal ng pantay na akses sa pampublikong serbisyo, makatarungang kompetisyong pampulitika, at pananagutan.

Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, ito na ang wakas ng matagal nang hindi natutupad na pangako ng Konstitusyon.

“Pantay na akses. Makatarungang kompetisyon. Pananagutan. Pagpapanibago ng pamumuno. Ang ideya na ang pampublikong posisyon ay isang pampublikong tiwala, hindi isang minamanang karapatan,” ani Adiong sa kanyang pambungad na pahayag bilang tagapangulo ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.

“Ang panukalang batas na ito ay hindi paratang laban sa mga pamilya. Ito ay pagpapatibay ng mga prinsipyo,” dagdag niya. “Ngayong araw ay isang makasaysayang araw.”

Tinawag ni Adiong ang pagdinig bilang simula ng mas mahabang proseso. Aniya, “Nagsalita na ang Konstitusyon. Nagsalita na ang mamamayan. Ngayon, ang Kongreso naman ang dapat magsalita sa pamamagitan ng batas.”

“Sa loob ng maraming dekada, ang probisyong konstitusyonal laban sa political dynasties ay nanatiling isang pangakong naghihintay na matupad. Ngayon, sa unang pagkakataon sa isang seryoso at maingat na paraan, gumagawa ng matibay na hakbang ang House of Representatives upang bigyang-buhay ang pangakong iyon,” sabi ni Adiong.

Binigyang-diin ni Adiong na ang pagdinig ay hindi layong targetin ang mga pamilya o indibidwal. “Ang pagdinig na ito ay hindi para atakihin ang mga pamilya, hindi para pumili ng mga indibidwal, at hindi para baguhin ang kasaysayang pampulitika. Narito tayo dahil inaatasan tayo ng Konstitusyon na kumilos, at dahil inaasahan ng sambayanang Pilipino na tayo ay kikilos,” aniya.

Bilang pinuno ng komite, sinabi ni Adiong na tungkulin niyang tiyakin ang isang patas at tapat na proseso.

“Ang papel ko ay hindi upang idikta ang magiging resulta, kundi upang gabayan ang prosesong ito nang patas, maingat, at tapat,” aniya. “Tungkulin kong tiyakin ang isang talakayang kung saan ang kalooban ng mamamayan—na ipinapahayag sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan at nakaugat sa Konstitusyon—ang magsisilbing gabay sa aming gawain.”

Binanggit din niya na malawak ang suportang pampulitika para sa panukala.

“Ang panukalang ito ay may hayagang suporta ng Pangulo ng Republika, ng Speaker ng House of Representatives, at ng Majority Leader. Isa rin itong prayoridad na panukala sa ilalim ng Legislative Executive Development Advisory Council,” ani Adiong, at idinagdag na ayon sa mga survey, “mahigit kalahati ng ating mamamayan ang nais na maisabatas ang repormang ito.”

“Kapag nagkakaisa ang Pangulo, ang pamunuan ng Kamara, at ang mismong mamamayan sa isang reporma, hindi lamang ito isang pagkakataon—ito ay isang tungkulin,” dagdag niya.

Kasabay nito, kinilala ni Adiong ang pagiging sensitibo at ligal na komplikado ng isyu.

“Ang panukalang batas na ito ay humahawak sa malalalim na istrukturang pampulitika. Nagbubukas ito ng mahahalagang usaping konstitusyonal. Marami-rami pong mga ‘constitutional landmines’ na kailangan nating pag-ingatan,” aniya.

Inangkla niya ang mga talakayan sa Artikulo II, Seksiyon 26 ng 1987 Konstitusyon, na nag-uutos sa Estado na tiyakin ang pantay na akses sa mga oportunidad para sa pampublikong serbisyo at ipagbawal ang mga political dynasty ayon sa itatakda ng batas.

“Mismong ang Konstitusyon ang naglalagay ng pananagutan sa Kongreso,” sabi ni Adiong. “Iniaatas ng Saligang Batas sa Kongreso ang pagbibigay ng malinaw at makatarungang depinisyon ng political dynasties. Ang responsibilidad na ito ay hindi maaaring iwasan, ipagpaliban, o ipasa sa iba.”

Binigyang-diin din ni Adiong ang pangangailangang ihanay ang probisyong ito sa iba pang mga garantiya ng Konstitusyon, kabilang ang karapatang bumoto, due process, at pantay na proteksiyon ng batas.

Binanggit niya ang mga desisyon ng Korte Suprema na nagpapawalang-bisa sa mga karagdagang kwalipikasyon sa pagtakbo sa pampublikong posisyon na lumalabag sa mga karapatang ito, at iginiit na magpapatuloy ang komite “nang may pag-iingat, kababaang-loob, at mahigpit na pagsusuri.”

“Hahanapin namin ang karunungan ng ating mga dalubhasa sa batas. Magtatanong kami ng mahihirap na tanong. Makikinig kami nang mabuti sa mga iskolar ng Konstitusyon, eksperto sa batas-eleksyon, at mga praktisyuner na nauunawaan ang letra at diwa ng ating Saligang Batas,” aniya.

Batay sa mga pag-aaral sa patakaran, sinabi ni Adiong na ang political dynasties ay kumakatawan sa konsentrasyon ng kapangyarihan sa loob ng isang pamilya. Bagama’t ang ganitong konsentrasyon ay “hindi likas na mabuti o masama,” ang pag-abuso sa kapangyarihang dinastiko ay maaaring “magpahina ng pananagutan, magpaliit ng kompetisyon, mag-udyok ng korupsiyon, at ilihis ang mga yamang pampubliko tungo sa pansariling interes ng pamilya sa halip na sa kapakanan ng bayan.”

“Ang panukalang batas na ito ay hindi paratang laban sa mga pamilya. Ito ay pagpapatibay ng mga prinsipyo,” ani Adiong. “Pantay na akses. Makatarungang kompetisyon. Pananagutan.

Pagpapanibago ng pamumuno. Ang ideya na ang pampublikong posisyon ay isang pampublikong tiwala, hindi isang minamanang karapatan.”

Muli, tinawag ni Adiong ang pagdinig bilang simula ng mas mahabang proseso: “Nagsalita na ang Konstitusyon. Nagsalita na ang mamamayan. Ngayon, ang Kongreso naman ang dapat magsalita sa pamamagitan ng batas.”