Calendar
Pinapakita ni Sen. Raffy Tulfo ang mga umano’y pekeng gamot kay Paolo Teston, Director General ng Food and Drug Administration (FDA), sa ginawang pagdinig ng Senado nitong Enero 27, 2026. Kuha ni JOSEPH MUEGO
Pekeng health products laganap online; Sen. Tulfo kinastigo FDA
KINASTIGO ni Sen. Idol Raffy Tulfo ang Food and Drug Administration (FDA) dahil sa kawalan nito ng kongkretong aksyon sa gitna ng paglaganap ng ilegal, peke, at hindi rehistradong health products online at maging sa mga pisikal na tindahan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography ngayong araw, Enero 27, sinabi ni Sen. Idol na dahil sa online selling platforms, halos lahat ay “one-click away.” Ngunit kasabay ng convenience ay one-click away din daw ang panganib, kaya dapat ay mas puspusan ang aksyon ng FDA.
Isa sa mga halimbawang binanggit ni Sen. Raffy ay ang test buy na isinagawa ng kanyang Senate team sa Shopee, kung saan nakabili sila ng prescription-only medicines gaya ng clobetasol propionate at co-amoxiclav kahit walang reseta.
Tinalakay din ni Idol ang pag-usbong ng bentahan ng gamot na pampapayat na “Tirzepatide” sa TikTok at iba pang platforms.
Ayon sa kanya, ang brand na “Mounjaro” lamang ang FDA-registered sa Pilipinas, subalit laganap online ang mga hindi rehistradong bersyon nito na hindi rin maayos na nare-regulate ng FDA.
Maliban dito, iginiit ni Idol na patuloy ang pagkalat ng unregistered, unsafe, at fake products hindi lamang online kundi pati sa mga pisikal na tindahan. Halimbawa ay ang test buy na isinagawa ng kanyang mga staff sa ilang retail stores, kung saan nakabili pa rin sila ng Hokkaido Slimming Pills na naglalaman ng sangkap na amphetamine. May FDA advisory na laban dito noong 2013 pa, ngunit hanggang ngayon ay talamak pa rin ang bentahan nito.
Sa usapin naman ng counterfeit medicines, sinabi ni Idol na nakabili ang kanyang team sa mga pisikal na tindahan ng pekeng Biogesic, pekeng Decolgen Forte, at pekeng Neozep. Mas masaklap , mas mahal pa minsan ang mga ito kaysa sa mga gamot sa botika, ngunit hindi epektibo at mas delikado dahil maaari itong magdulot ng severe allergic reactions.
Binigyang-diin ni Idol na “urgency is a must” kapag kalusugan ng publiko ang pinag-uusapan at pagdating sa public health, sinabi niya na hindi sapat na public advisories lang ang gagawin ng FDA.

