Calendar
PhilRECA Party-list Rep. Presley C. De Jesus,
APEC Party-list Rep. Sergio C. Dagooc
Mga isyu ukol sa prangkisa ng Solar Para sa Bayan iimbestigahan ng Power Bloc
NAKATAKDANG magsagawa ang House committee on legislative franchises ng isang motu proprio na imbestigasyon, para makatulong sa paggawa ng batas, hinggil sa mga isyung nakapalibot sa legislative franchise ng Solar Para sa Bayan Corporation, kasunod ng mga pangamba tungkol sa pagsunod nito sa batas at proteksyon ng mga konsyumer.
Sa pagdinig ng House committee on legislative franchises noong Lunes, inihain ni PhilRECA Party-list Rep. Presley C. De Jesus ang mosyon para sa imbestigasyon.
Tinukoy niya ang mga ulat kaugnay ng franchise grantee, kabilang ang umano’y bentahan o paglilipat ng controlling interest nang walang pahintulot ng Kongreso, mga tanong sa pagsunod sa franchise conditions, at ang sinasabing hindi operasyonal ang kumpanya mula 2022 dahil sa regulatory delays.
“A legislative franchise is a privilege granted by the State. It is never a right. Congress has the obligation to continuously examine whether that privilege is being exercised in a manner consistent with law and with the welfare of the people,” ani De Jesus.
Dagdag niya, ang pagdinig ay magbibigay daan upang masuri ng komite kung sapat pa ang mga probisyon ng franchise at upang tukuyin ang posibleng reporma sa polisiya, upang matiyak na tinutupad ng franchise holders ang kanilang tungkulin sa mga konsyumer at sa publiko.
Nagmosyon din si De Jesus para sa reperendum sa mga miyembro ng komite upang makuha ang kinakailangang boto para sa motu proprio inquiry.
Kumpiyansa umano siya na naninindigan ang mga kasapi para sa transparency at interes ng publiko sa pagbigay at regulasyon ng mga legislative franchise.
Matapos aprubahan ang mosyon, pormal na hiniling ni APEC Party-list Rep. Sergio C. Dagooc na imbestigahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga naunang isyu tungkol sa Solar Para sa Bayan sa mga lugar na umano’y pinaglilingkuran nito.
“There are unresolved issues that raise fundamental questions on regulatory compliance, consumer protection, and respect for the franchise rights and property of electric cooperatives. These matters warrant closer scrutiny by both regulators and Congress,” saad ni Dagooc.
Hiniling din ni Dagooc ang regulatory clarification hinggil sa mga seryosong isyung idinulog ng mga apektadong stakeholders, kabilang ang operasyon ng renewable energy facilities nang walang permits, kawalan ng approved tariff mula sa ERC, pag-isyu ng official receipts na umano’y hindi rehistrado sa Bureau of Internal Revenue, at paggamit ng distribution assets ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) nang walang pahintulot o abiso.
Mula pa noong 2018 nang simulan ang deliberasyon sa franchise ng Solar Para sa Bayan, matatag na tinutulan ng Power Bloc ang pagbibigay ng malawak na nationwide authority sa isang pribadong entidad.
Nagbabala rin ang Power Bloc na maaari itong magdulot ng panganib sa istruktura at katatagan ng electric power industry.
Ayon sa dalawang mambabatas, ang isang nationwide franchise na sumasaklaw sa halos buong kapuluan ay labis na malawak, mahirap i-regulate, at hindi akma sa lokal na katangian ng electric distribution.
“Electric distribution is not a one-size-fits-all undertaking. Oversight, accountability, and consumer protection are strongest when service providers are locally anchored and directly answerable to the communities they serve,” pahayag ng grupo.
Nilinaw rin ng mga kinatawan na ang imbestigasyon ay hindi nangangahulugang may desisyon na ang komite.
“We reserve any final position until the Committee has completed its hearings. This inquiry is precisely intended to surface the facts and allow all stakeholders to be heard before Congress reaches any determination,” giit ng Power Bloc.
Iginiit ng grupo na ang pagbibigay ng franchise ay dapat nakabatay lamang sa kwalipikasyon, rekord ng pagsunod sa batas at kakayahang maglingkod sa publiko—hindi sa impluwensiya sa merkado o mga pangakong spekulatibo.
Sa huli, nanindigan ang Power Bloc na ang tunay na elektripikasyon at abot-kayang kuryente, lalo na sa rural at missionary areas, ay makakamit lamang sa pamamagitan ng pagpapatibay ng electric cooperatives, patas na kompetisyon at matatag na regulatory oversight.

