MPD

6 miyembro na MPD timbog sa panghoholdup sa Makati

Edd Reyes Jan 29, 2026
179 Views

ANIM na miyembro ng Manila Police District (MPD) ang inaresto ng kanilang mga kabaro matapos positibong kilalanin ng kanilang biniktima ng panghoholdap Miyerkules ng gabi sa Makati City.

Nadakip ng mga tauhan ng Makati Police Station sa kanilang ikinasang hot pursuit operation ang mga suspek na ang isa ay may ranggong Police Staff Sergeant, isa ang Corporal, habang pawang mga bagitong Patrolman ang apat pa na nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malate Police Station-9.

Sa tinanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, unang nakilala ng mga biktimang dalawang lalaki at isang babae, ang dalawa pang babae sa Malate, Manila at dahil nagkapalagayang loob, sinamahan nila ang mga ito sa Arsonbel Street, Brgy. San Isidro sa Makati dakong alas-7:48 ng gabi para umano kunin ang gamit ng dalawa.

Gayunman, pagdating sa lugar, hinarang sila grupo ng kalalakihan , tinutukan ng baril, pinadapa at iginapos ang mga kamay bago tumakas sakay ng kani-kanilang motorsiklo, tangay ang mahahalagang gamit ng mga biktima.

Nang makarating sa kaalaman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin ang insidente, kaagad na iniutos ang pagsibak sa puwesto ng station commander ng Malate Police Station, pati na ang hepe at lahat ng tauhan ng SDEU upang hindi makasagabal sa gagawing imbestigasyon.

Sinabi ni Aberin na hindi nila kukunsintihin ang mga maling gawain ng kanilang mga tauhan at tiniyak na magsasagawa sila ng mas malalim na imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang kasong kinasasangkutan ang grupo. “We will make sure na dapat po maaresto, makulong, at mawala po sila sa serbisyo,” pahayag pa niya.