Calendar
Nagi-imbentaryo ang mga tauhan ng BOC sa mga nakumpiskang pekeng sigarilyo sa Pampanga.
Sangkatutak na ilegal na yosi natagpuan sa pabrika
SINALAKAY noong Miyerkules ng mga agents ng Bureau of Customs (BOC) ang warehouse ng umano’y ilegal na pagawaan ng sigarilyo sa Mexico, Pampanga at tumambad sa kanila ang sangkaterbang ilegal na sigarilyo.
Ang bodega, na matatagpuan sa Lot 2645, Panipuan, Mexico, halos puno ng mga cigarette brands na “Two Moon,” “Mighty,” “H&P,” “Playboy” at Carnival at nagpapahiwatig na sentro ng produksyon ng mga patalsik na yosi.
Natagpuan sa loob ng pabrika ang 6 na lalaking Chinese nationals, 52 Pilipino at 11 Filipina.
Binubuo ang raiding team ng mga tauhan mula sa Customs Intelligence and Investigation Service ng Manila International Container Port, Enforcement and Security Service, MICP Examiners, at Legal Service at inalalayan pa ng Philippine Coast Guard at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group.
Ang mga natuklasan ay nagpapahiwatig na ang bodega ay tumatakbo bilang planta ng paggawa ng ipinagbabawal na sigarilyo na walang mga permit o awtoridad mula sa pamahalaan.
Ang mga makinang gumagawa ng sigarilyo at mga raw materials na natagpuan sa site ay diumano’y ipinuslit dahil ang mga ito ay hindi sakop ng anumang mga permit sa pag-import o wastong dokumentasyon ng BOC.
Nagkalat sa loob ng compound ang mga tax stamp, na sasailalim na ngayon sa beripikasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) upang matukoy kung tunay.
Nakikipag-ugnayan na ang BOC sa Bureau of Immigration para i-verify kung legal ang status ng mga dayuhang manggagawa sa pabrika.
Sinabi ni Commissioner Ariel Nepomuceno ang kahalagahan ng operasyon sa pagprotekta sa publiko at ekonomiya.
“Ang paggawa ng ipinagbabawal na sigarilyo ay nagpapahina sa mga lehitimong negosyo, nag-aalis sa pamahalaan ng mga kailangang-kailangang kita, at nagdudulot ng malubhang panganib sa kalusugan ng publiko.
Alinsunod sa direktiba ng Pangulo, ang Bureau of Customs ay walang humpay na hahabulin ang mga sangkot sa smuggling at iligal na pagmamanupaktura,” dagdag ni Nepomuceno.

