Calendar
Manila Rep. Joel R. Chua
Chua, Ridon: Piattos, iba pang isyu sa impeachment ni VP Sara di pa nareresolba
TINALAKAY lamang ng desisyon ng Supreme Court (SC) sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ang mga procedural na isyu at hindi ang substansya ng mga paratang — kabilang ang kontrobersiyal na isyung Mary Grace Piattos — na nananatiling hindi nareresolba, pahayag ni Manila Rep. Joel R. Chua.
Sa Saturday Media Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, binigyang-diin ni Chua, ang vice chairperson ng House committee on justice, na hindi nagpasya ang SC tungkol sa merito o nilalaman ng impeachment complaint.
“Alam po ninyo naging decision po ng SC, hindi nila din dinesisyunan ang substansya ng impeachment complaint,” sabi ni Chua, na siya ring chair ng House committee on good government and public accountability. “Ang pinag-usapan dito ang sheer technicality.”
Sinabi niya na hindi tinugunan ng desisyon ng SC ang pangunahing alegasyon sa reklamo.
“So pagdating sa substansya, wala naman silang may mention dito kaya maganda rin at very interesting din dahil hanggang ngayon hindi pa rin na-resolve ang laman ng impeachment complaint,” ani Chua.
Iginiit din ni Chua na maling sabihing naresolba na ang substansya, dahil procedural issues lamang ang tinalakay.
Binanggit din niya na kadalasan, tumataas ang suporta sa impeachment cases habang umuusad ang proseso at nasusuri ang ebidensiya.
“Alam po ninyo, marami namang pagkakataon na kung makikita po ninyo ang impeachment complaint ay na-file noong una walang suporta, pero noong ito ay nailatag, noong ito ay nakita na ang substance, nagkakaroon ng suporta,” paliwanag niya.
Binanggit niya ang dating impeachment cases na noong una ay tinitingnan nang may pag-aalangan, ngunit kalaunan ay sinuportahan ng karamihan nang nagtuloy-tuloy na ang proceedings.
“Noong una isinampa ’yung impeachment complaint ni dating Chief Justice Renato Corona, noong una wala po itong suporta sa mga senador, pero nakita po natin na noong nag-progress po ’yung trial, nag-iba ang mga pulso at mga boto ng senador,” saad ni Chua.
Dagdag ni Chua, ang parehong prinsipyo ay maaaring umiral ngayon dahil hindi pa nareresolba ang substansya ng mga paratang, na subject pa rin sa congressional scrutiny.
Kasabay nito, sumang-ayon si Bicol Saro Party-list Rep. Terry L. Ridon, chair ng House committee on public accounts, na inimbitahan din sa forum.
“Ang pinagdebatehan lang sa Kongreso kung barred ba ’yung trinansmit to the Senate,” sabi ni Ridon.
Giit niya, technical at procedural ang saklaw ng ruling — hindi ang mismong mga paratang.
“So, I think even as filed, we just have to look at how the process will be this time,” ani Ridon, at idinagdag na Kamara ang tamang forum upang talakayin ang substance ng impeachment complaints.
Sinabi ng dalawang mambabatas na ang paghusga sa impeachment ay nakasalalay sa ebidensiya at konsensiya ng Kongreso.
“So tama ang sinasabi ni Cong. Terry Ridon, ito ay magiging base sa konsyensiya,” saad ni Chua.
‘Mary Grace Piattos’ isyu
Ang pangalang Mary Grace Piattos — na kahawig ng pinagsamang pangalan ng isang sikat na restaurant at lokal na snack brand — ay naging tampulan ng curiosity at katatawanan ng publiko.
Pero ayon sa mga mambabatas, seryosong isyu ito ng pananagutan.
Noong isang taon, sinabi ni Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales na si Piattos umano ang nakakuha ng pinakamalaking bahagi ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong Disyembre 2022.
Sa nakaraang 19th Congress, inimbestigahan ng House blue ribbon committee/committee on good government and public accountability kung paano ginastos ng OVP at Department of Education (DepEd) ang P612.5 milyon sa confidential funds mula 2022 hanggang 2023, sa ilalim ng pamumuno ni Duterte bilang Vice President at Education Secretary.

