Champions

Senado nagbigay pugay sa M7 Champions

248 Views

PINAGTIBAY ng Senado nitong Martes ang Senate Resolution No. 276 na nagbibigay-pugay at pagbati sa Aurora Gaming PH matapos nitong manalo sa Mobile Legends: Bang Bang M7 World Championship na ginanap sa Jakarta, Indonesia.

Sinabi ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, na nag-sponsor ng resolusyon, na ipinapakita ng tagumpay ng koponan ang husay, kakayahan, at pandaigdigang kakompetensiyahan ng mga Pilipinong atleta sa e-sports, na lalo pang nagpapatibay sa reputasyon ng bansa sa larangan.

“This marks the seventh consecutive year that a Philippine team has emerged as champion in the Mobile Legends world championship. Our guests today follow a long tradition of greatness and serve as an inspiration to Filipino gamers and e-sports enthusiasts,” ayon kay Aquino.

Dagdag pa niya, ipinamalas ng Aurora Gaming PH kung paano nagbubunga ang dedikasyon, disiplina, at pagtutulungan sa pinakamataas na antas ng pandaigdigang kompetisyon.

Ayon naman kay Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, isa sa mga may-akda at co-sponsor ng resolusyon, ikinararangal niyang makibahagi sa pagkilala sa mga tagumpay ng mga Pilipinong atleta sa e-sports.

“Mobile Legends: Bang Bang has grown into one of the most widely played and globally recognized e-sports in the country, demanding not only quick reflexes but also strategic thinking and teamwork at the highest level. It is a modern arena where excellence and national pride are fiercely contested,” sabi ni Go.

Binanggit ni Go na maraming kabataang Pilipino ang aktibong nakikilahok sa laro at sinabi niyang maaaring makatulong ang e-sports upang mailayo ang kabataan sa bisyo sa pamamagitan ng disiplina at positibong kompetisyon. Bilang chairperson ng Senate Committee on Youth, sinabi niyang nakatutulong ang e-games sa paghubog ng disiplina, pagtutulungan, at estratehikong pag-iisip, habang nagbubukas din ng mga oportunidad sa karera tulad ng e-sports, content creation, at digital entrepreneurship.

Dagdag pa niya, nagsisilbing inspirasyon ang Aurora Gaming PH sa mga kabataan upang patuloy na hasain ang kanilang kakayahan at gamitin ang teknolohiya sa makabuluhan at responsableng paraan.

Pormal namang iniabot ni Senate President Vicente C. Sotto III ang kopya ng resolusyon sa koponan sa sesyon ng Senado. Nasa okasyon din sina Senate President Pro Tempore Panfilo M. Lacson, Majority Leader Juan Miguel “Migz” F. Zubiri, at iba pang senador, ayon sa Senate Public Relations and Information Bureau.