Rep. Villar

Makabuluhang reporma sa kalusugan inaprubahan ng Senado

195 Views

INAPRUBAHAN ng Senado noong Lunes sa ikatlo at huling pagbasa ang dalawang mahahalagang panukalang batas sa kalusugan, kung saan kabilang si Senadora Camille Villar sa mga pangunahing may-akda at co-author, bilang bahagi ng hakbang upang palawakin ang preventive healthcare at akses sa serbisyong medikal sa buong bansa.

Ayon kay Villar, layon ng mga panukala na mabawasan ang pangmatagalang gastusin sa kalusugan at mapalakas ang maagap na interbensyon, kasabay ng pagtitiyak na ang serbisyong pangkalusugan ay naaabot ng lahat ng Pilipino.

“Ang preventive care at maagap na interbensyon ay nakababawas ng paghihirap, nagpapababa ng pangmatagalang gastusin, at nagliligtas ng buhay. Tinitiyak ng mga panukalang ito na ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan ay hindi isang pribilehiyo kundi isang karapatan—na dapat maabot ng bawat Pilipino, anuman ang edad o kondisyon,” pahayag ni Villar.

Isa sa mga inaprubahan ay ang Senate Bill No. 1509 o Philippine Geriatric Center Act, na naglalayong itatag ang Philippine Geriatric Center bilang isang tertiary specialty hospital sa ilalim ng Department of Health. Kabilang si Villar sa mga may-akda ng panukalang batas na naglalayong isabatas ang isang komprehensibo at napapanatiling sistema ng geriatric care para sa mga senior citizen at tumatandang populasyon, lalo na ang mahihirap, indigent, at may malulubha at komplikadong karamdaman.

Sa ilalim ng panukala, ang itatatag na Philippine Geriatric Center ay magbibigay ng espesyalisadong serbisyong medikal, diagnostic, rehabilitative, wellness, long-term, at palliative care para sa mga nakatatanda. Magsisilbi rin itong pambansang sentro para sa pananaliksik sa geriatric care, pagsasanay ng mga healthcare professional, at pagbuo ng pamantayan para sa age-friendly na mga pasilidad pangkalusugan na nakapaloob sa balangkas ng Universal Health Care.

Inaprubahan din sa huling pagbasa ang Comprehensive Lupus Prevention Act, na co-author si Villar. Inaatasan ng panukala ang Department of Health na magpatupad ng isang pambansang programa para sa pag-iwas, maagang pagtuklas, paggamot, at rehabilitasyon ng Systemic Lupus Erythematosus, kasabay ng pagpapalawak ng kaalaman ng publiko at pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga pasyente.

Nakasaad din sa panukala ang pagtatatag ng Center for Lupus and Autoimmune Diseases bilang pambansang teknikal at referral center para sa lupus at iba pang autoimmune conditions, mandatory training para sa mga healthcare provider, paglikha ng information at monitoring system para sa mga kaso ng lupus, pagsasama ng early detection at screening sa mga benepisyo ng PhilHealth, at ang taunang pagdiriwang ng National Lupus Awareness Week tuwing unang linggo ng Mayo.