Rep. Sandro

Panukalang no work, no pay policy para sa mga “absenerong” kongresista inihain ni Marcos

Mar Rodriguez Feb 4, 2026
183 Views

BILANG solusyon sa problema ng pagiging “absenero” ng ilang miyembro ng Kamara de Representantes at Senado, inihain ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang kaniyang panukalang batas upang magpatupad ng “no work, no pay” policy para sa mga kongresista.

Inihain ng House Majority Leader ang House Bill No. 7432 para ma-address ang matagal ng problema sa Kongreso patungkol sa pagiging absenero ng ilang mambabatas o “lulubog-lilitaw sa panahon ng mayroong session ang Kamara.

Ipinaliwanag ni Marcos na ang prinsipyo ng “no work, no pay” ay isang general labor standard na ipinapatupad sa lahat ng mga manggagawa sa buong mundo kung saan ang mga kongresista na kumakatawan sa publiko ay binabayaran din pumasok man sila o hindi.

Binigyang diin ni Marcos na dapat magkaroon ng “public accountability” para sa mga mambabatas na bibihirang pumasok para gampanan ang kanilang trabaho dahil ang pinapa-suweldo umano sa kanila ay pera ng taongbayan.

“This has led to public concern over absenteeism, lack of accountability and wastage of tax payers fund,” paliwanag ni Marcos.

Nakapaloob sa panukalang batas ni Marcos na ang buwanang sahod ng mga kongresista na nagkakahalaga ng P300,000 ay nakabatay sa kanilang pagdalo sa Plenaryo ng Kamara de Representantes, pagdalo sa mga Committee hearings sa iba pang trabaho.

Ikinatuwiran pa ng kongresista na ang pangunahing layunin ng House Bill No. 7432 ay para isulong ang transparency, accountability at integrity ng Kongreso sa gitna ng masusing pagsubaybay ng publiko sa mga kaganapan sa Mababang Kapulungan.

Ayon kay Marcos, kasama sa kaniyang panukala ang pagbibigay ng exemption para sa mga kongresista na hindi makakapasok dahil sa pagkakasakit, pagganap ng kanilang official duty sa labas ng Kamara habang ang pagpapalsipika sa attendance ay papatawan ng karampatang parusa.