Calendar
Basyang bahagyang lumakas, 15 lugar sa VisMin nada Signal No. 2
BAHAGYANG lumakas ang Tropical Storm Basyang habang papalapit sa Eastern Mindanao, dahilan para ilagay sa Storm Signal No. 2 ang 15 lugar sa Visayas at Mindanao.
Bandang alas-4 ng hapon, namataan ang bagyo 160 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, na may lakas ng hangin na 75 kilometers per hour (kph) at bugso na umaabot sa 90 kph, habang kumikilos pa-kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.
Ayon sa PAGASA posibleng magla-landfall ang Basyang sa Surigao del Sur ngayong gabi o madaling-araw ng Biyernes, sa inaasahang pinakamalakas nitong lakas.
Mananatili itong tropical storm habang tumatawid sa northeastern Mindanao at daraan sa Siquijor at southern Negros hanggang Biyernes ng gabi. Maaari naman itong humina bilang tropical depression bago tumawid sa northern Palawan sa Sabado ng gabi at tuluyang maging remnant low pagdating sa West Philippine Sea sa Linggo.
Magdadala ang bagyong Basyang ng malalakas hanggang buhos na ulan sa Mindanao, Visayas at Southern Luzon sa mga susunod na araw. Inaasahan ang torrential rains sa halos buong Caraga at ilang bahagi ng Northern Mindanao hanggang Biyernes ng hapon.
Heavy hanggang intense rains din ang posibleng maranasan sa Southern Leyte, Central Visayas, Negros Region, Lanao del Sur, ilang bahagi ng Davao Region, natitirang bahagi ng Caraga at Northern Mindanao, pati na rin sa Palawan hanggang Sabado ng hapon.
Ayon sa mga awtoridad, maaari ring maapektuhan ang Southern Luzon ng shear line pagsapit ng Linggo.

