Lacson

Lacson: Plunder, iba pang kasong kriminal vs ex-SP Escudero, Sens. Villanueva, Estrada sa draft Blue Ribbon report mananatili

197 Views

SINABI ni Senate President Pro-Tempore Panfilo “Ping” Lacson na hindi aalisin sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee ang rekomendasyong plunder at iba pang posibleng kasong kriminal laban kina dating Senate President Francis “Chiz” Escudero at Sens. Joel Villanueva at Jose “Jinggoy” Estrada.

Iginiit ni Lacson na ang imbestigasyon ay mahigpit na nakabatay umano sa facts at ebidensiyang lumitaw sa mga pagdinig hinggil sa umano’y multibilyon-pisong flood control scam.

Muling binigyang-diin ni Lacson na evidence-driven ang trabaho ng Blue Ribbon Committee at sinasalamin ng ulat ang mga napag-usapan at lumitaw sa mga pagdinig lalo na kaugnay ng plunder at iba pang posibleng pananagutang kriminal.

“Sabi ko nga, based on facts, based on evidence, and we should be led by or we should follow the evidence,” ayon kay Lacson, chairman ng komite, sa panayam ni Pinky Webb ng Bilyonaryo TV.

“There’s no doubt. Maski, former senator incumbent senator, basta na-mention doon, their names will be mentioned definitely because if I omit their names, I might as well omit other names na mentioned din during the hearings, and hindi ko naman gagawin ‘yun,” dagdag ni Lacson.

Nai-leak sa media ang kopya ng ulat na nagrekomenda ng plunder, malversation of public funds, at direct bribery laban kina dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., Escudero, Villanueva, Estrada, dating Caloocan City Rep. Mitch Cajayon-Uy, at iba pa.

Ipinaliwanag ni Lacson na ang pagsama ng mga pangalan sa ulat ng komite ay idinidikta ng narrative na nabuo sa imbestigasyon.

“Yah, kasi nandoon naman sa narrative. ‘Pag-na-mention sila sa investigation, definitely they will be mentioned,” aniya.

Ayon pa kay Lacson, nakapagsagawa na ang komite ng paunang talakayan sa draft report at may mga rebisyong ginawa batay sa inputs ng mga senador, nang hindi binabago ang laman nito.

“Yeah, we already did. May preliminary talks na kami then ni-revise ko na based on their input, wala naman substantial or substantive na nagalaw sa committee report,” aniya.

Nilinaw rin niya na ang mga pagbabago ay para sa tamang lengguwahe lamang.

“We just revised some words, ‘yung proper language, more proper or appropriate language na magamit sa report, and I’m ready again to present it to them, maybe on Monday,” ani Lacson.

Naunang sinabi ni Lacson na ibinigay sa mga senador ang draft report noong Pebrero 3, at anim na senador—sina Juan Miguel “Migz” Zubiri, Joseph Victor “JV” Ejercito, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Paolo “Bam” Aquino IV, at Francis “Kiko” Pangilinan—ang unang lumagda rito.

Gayunman, kalaunan ay binawi nina Zubiri, Ejercito at Gatchalian ang kanilang mga lagda, iginiit na kailangan pa nila ng mas mahabang panahon upang masusing pag-aralan ang pinal na committee report.