Palawan solon: Saan napupunta, nagagamit ba ng tama ang travel tax?

136 Views

GUSTO ni House Committee on Tourism vice chairman Rep. Gil Acosta ng Palawan na magkaroon ng congressional review kung paano ginagamit ang travel tax collections at kung paano ito nakakaapekto sa tourism development.

“Yes definitely [we have to review in Congress] kung saan napunta [ang travel tax collections], especially pre-pandemic kasi from 2020, 2021, 2022, 2023 wala halos koleksyon in terms of palabas, so dapat natin balikan kung tama ba ’yung nagamit.

Kung saan nagamit at kung ano ang naging epekto sa Tourism Industry,” sabi ni Acosta sa media forum noong Sabado.

Sinabi ni Acosta na umaabot sa P4 bilyon hanggang P5 bilyon ang travel tax collections na pinaghahatian ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Commission on Higher Education (CHED) at ng cultural sector ng Pilipinas.

Gusto ni Acosta na isama sa susuriin ang pre at post-pandemic periods para malaman kung nagamit ng tama ang napakalaking halaga.

“’Yan po yung dapat pag-usapan ng mga inter-agency ng ating gobyerno dahil nasabi n’yo na din po ang DPWH (Department of Public Works and Highways) minsan nga po ang project natitigil kasi ‘yung DPWH project walang ECC (Environmental Compliance Certificate).

Dapat bago mo i-propose sa DPWH kinunan mo muna ng ECC so dapat kung gobyerno ka ikaw una dapat ang sumunod sa mga patakaran ng ating pamahalaan,” paliwanag ni Acosta.

Ayon sa mambabatas, hindi biro ang perang nakokolekta sa travel tax kaya dapat pagtuunan ng pansin ng Kongreso.

“In all fairness naman po sa DoT (Department of Tourism), I could only speak of my province, meron hong dalawa, one in the north and one in the south. Maganda naman po, maganda, but sa probinsya ko ho iyon. Dalawa,” sabi niya tungkol sa mga tourist comfort rooms na proyekto ng DOT.

Sinabi niya na napakahalaga ng infrastructure support para sa ikauunlad ng tourism sector dahil hindi madaling bumiyahe sa maraming lalawigan sa Pilipinas.

“Kasi ho dapat talagang mag-invest ng malaki. For example kung kayo pupunta sa aming lalawigan, pupunta kayo ng Puerto Princesa, ang akala ng tao ang El Nido ay 30 minutes away. But it’s not. It’s almost four hours. Kung mabagal-bagal mga five hours,” ayon sa mambabatas.

Gaganda ang infrastructure development sa Pilipinas kung ang mga revenues na nakokolekta gagamitin kung saan intended at hindi mawawaldas.

Ayon pa sa kanya, kung hindi ginagamit ng tama o nalalagay sa corruption ang collection sa travel tax dapt nang i-abolish gaya ng sinasaad sa HB No. 7443 na ipinile ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos.

Sa ilalim ng bill na ito, ititigil na ang paniningil ng P2,700 para sa mga first-class passengers at P1,620 sa economy travelers.