Delima

De Lima: 2nd impeachment vs VP Sara ‘very strong’; teknikalidad lang ang pumigil sa Senate trial

191 Views

NANANATILING napakalakas pa rin ng ikalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Z. Duterte, pahayag ni House Deputy Minority Leader Leila M. De Lima ng Mamamayang Liberal (ML) Party-list.

Ayon pa kay De Lima, dapat sana’y umusad ito sa paglilitis sa Senado kung hindi lamang sa desisyon ng Korte Suprema na nagpawalang-bisa sa Articles of Impeachment dahil sa teknikalidad.

Para sa mga complainant at mga nag-endorso ng ikalawang reklamong impeachment, binigyang-diin ni De Lima na matibay ang mga ebidensiya ― at lalo pa itong tumibay sa paglipas ng panahon.

“For the complainants and for us ― the endorsers of the 2nd complaint ― the evidence is strong. Nadagdagan pa nga ito,” ani De Lima.

Iginiit ni De Lima, na dating senador, na pasado sa porma at substansiya ang reklamo upang umusad ito.

“We are confident that it is sufficient in form and substance to move forward to evidentiary hearings in the House Committee on Justice and to be transmitted to the Senate for trial,” aniya.

Dagdag niya, ang mga walang-basehang paratang na ginagamit umano ni Duterte bilang depensa ay siya ring mga isyung matagal na nitong iniiwasang sagutin ― at nananatiling hindi pa rin nito sinasagot hanggang ngayon.

“’Yung sinasabi ni VP Sara na ‘isang papel na walang kalakip na kahit anong ebidensiya’ ay siya rin mismong mga akusasyon na matagal na niyang iniiwasang sagutin,” saad ni De Lima.

Ipinaalala rin ni De Lima na na-impeach na noon si Duterte ng ika-19 Kongreso batay sa halos kaparehong mga isyung nakasaad sa pinakabagong complaint, na siya mismo ang nag-endorso.

“Alalahanin natin na na-impeach na siya dati ng House based on essentially and primarily the same substantial grounds na nakalagay sa complaint na inendorso namin ni Rep. Perci Candaña (ng Akbayan Party-list),” sinabi ni De Lima.

“Kaya nga lang, napawalang bisa ng Korte Suprema ’yung Articles of Impeachment dahil sa teknikalidad. If it were not for a technicality, she should have been tried in the Senate,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni De Lima na sa paglilitis, hindi sapat ang mga patutsada.

“At sa paglilitis, hindi puwedeng ang sagot niya ay patutsada o ‘pamomolitika’ lang. Patunayan niyang walang basehan ang mga alegasyon, dahil kung hindi, dapat siyang managot sa mga akusasyon ng paglustay sa pera ng taumbayan,” sinabi ni De Lima.