Marcoleta

Personal na atake sa WPS niresbakan

209 Views

TINULIGSA ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Linggo ang paggamit ng “ad hominem” o personal na pag-atake laban sa mga opisyal at mambabatas na naninindigan para sa Pilipinas sa usapin ng teritoryo laban sa China sa West Philippine Sea.

Rumesbak si Lacson sa pahayag ni Rep. Paolo Henry Marcoleta na gawing mga frontliner o “cannon fodder” ang isang Coast Guard spokesperson at ilang senador sakaling magdeklara ng digmaan ang China laban sa Pilipinas. Lumabas ang pahayag matapos batikusin ang ama ng kongresista dahil sa mungkahing isuko ang Kalayaan Island Group.

Sa isang post sa X, sinabi ni Lacson na dapat manatili sa isyu ang nakababatang Marcoleta at bisitahin ang Pag-Asa Island sa Kalayaan Island Group, na bahagi ng lalawigan ng Palawan, upang makita mismo ang aktuwal na kalagayan at gumaganang lokal na pamahalaan doon.

“The son also rises with his own ad hominem. Suggesting to use the PCG spokesman and some senators as cannon fodder if China declares war against the Philippines is uncalled for. He should visit Pag-Asa Island in KIG and see for himself the functioning local government there,” ani Lacson.

Ikinuwento ni Lacson na bumisita siya sa Pag-Asa Island noong Nobyembre 2021, matapos nito ay isinulong niya ang karagdagang pondo upang mapalakas ang depensa ng bansa at mapabuti ang mga pasilidad sa paaralan at bilang ng mga guro sa isla.

Nagpanukala siya ng mga amyenda sa 2022 national budget upang pondohan ang mga pasilidad sa Kalayaan Island Group na nagkakahalaga ng P254.241 milyon, kabilang ang P5.393 milyon para sa procurement ng power system requirements, P15.351 milyon para sa procurement ng mga rubber boat na may outboard motors, at P233.497 milyon para sa procurement ng communication at iba pang mission-essential equipment ng mga detatsment sa KIG.

Nagpanukala rin si Lacson ng karagdagang P38.509 milyon para sa Pag-Asa Island Research Station, na aniya’y mahalaga sa pag-unawa at napapanatiling paggamit ng yamang-dagat sa West Philippine Sea. Kabilang dito ang P10 milyon para sa isang dalawang-palapag na dormitoryo o marine facility at P28.509 milyon para sa pagbili ng marine scientific at oceanographic equipment.

Bukod sa imprastraktura, isinulong din ni Lacson ang karagdagang pasilidad at mga guro sa Pag-Asa Island, gayundin ang dagdag na benepisyo para sa mga gurong nakatalaga roon. Iminungkahi niyang magtayo ng high school o isama ang high school facilities sa umiiral na elementary school, at kumuha ng kahit isang multigrade teacher na maaaring magturo sa high school.

Hiniling din niya ang commitment ng Department of Education na magbigay ng Special Hardship Allowance para sa dalawang gurong nakatalaga sa Pag-Asa Island, na maaaring kunin mula sa pondo ng programang Last Mile Schools.

Kalaunan ay inaprubahan ng Department of Education ang pagtatatag ng Pag-Asa Island Integrated Elementary and High School na naging epektibo noong School Year 2022–2023.

Sa isang panayam sa DZBB nitong Linggo ng umaga, iginiit ni Lacson na ang Kalayaan Island Group ay isang munisipalidad ng Palawan na may gumaganang lokal na pamahalaan, barangay, at paaralan.

“KIG is a municipality of Palawan. Ako nakapunta ako sa Pag-Asa. Meron doong LGU na functioning. Barangay ’yan. Meron doong iskwelahan,” giit niya.

Ikinuwento rin niya na noong bumisita siya noong 2021, tanaw ng mata ang mga barko ng Chinese Coast Guard, at sinabi ng mga lokal na Marines na pumapasok ang mga ito sa exclusive economic zone ng Pilipinas ngunit umaalis kapag hinahamon.

“Sabi ko you keep challenging them kasi tine-test kayo yan. For all we know baka nag-test sila nakakapasok na sila. Alam mo pag (pasok) nila sa Pag-Asa, that is really invasion. Kasi inhabited may Pilipino doon, mga fishermen,” aniya.

Noong Pebrero 6, nag-post ang nakababatang Marcoleta sa Facebook na kung magdeklara ng digmaan ang China, dapat gawing frontliner o “cannon fodder” ang Coast Guard West Philippine Sea spokesperson na si Commodore Jay Tarriela at ilang senador. Inakusahan din niya ang mga naninindigan para sa WPS na mga “taksil” at sinabing hindi umano maipaglalaban ang WPS sa pamamagitan lamang ng posturing at “pahashtag-hashtag lang.”

Nitong mga nakaraang araw, tinutulan din ni Lacson ang mungkahi ni Senador Rodante Marcoleta na isuko ang Kalayaan Island Group, gamit ang matagal nang legal na prinsipyo na sumusuporta sa pagmamay-ari ng Pilipinas sa naturang teritoryo.