Lacson

Nilalaman ng draft report mananatili — Lacson

241 Views

SINABI ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na mananatili ang nilalaman ng draft report ng Senate Blue Ribbon Committee na nagrerekomenda ng pagsasampa ng kaso laban sa ilang nakaupong senador, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga proyekto sa flood control.

Sa isang panayam sa radyo, kinumpirma ni Lacson na inirerekomenda sa draft report ang pagsasampa ng kaso laban kina Senador Jose “Jinggoy” Estrada, Senador Joel Villanueva, at Senador Francis “Chiz” Escudero. Ayon sa kanya, kabilang din sa mga nadawit sa dokumento ang isang puganteng dating mambabatas ng party-list, si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan, at ilan pang indibidwal, batay sa mga testimonya ng mga dating inhinyero ng Department of Public Works and Highways.

Tinanong kung maaari pang mabago ang rekomendasyon laban kina Estrada at Villanueva, sinabi ni Lacson na wala umanong batayan upang bawiin ang naging konklusyon ng komite.

Ipinaliwanag niya na karamihan sa ebidensiya ay nagmula mismo sa mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee at sa mga kasong naihain na sa Department of Justice, kaya’t magiging alanganin aniya ang pagbabago ng rekomendasyon sa yugtong ito.

Nilinaw ni Lacson na draft pa lamang ang dokumentong umiikot at hindi pa ito ang pinal na ulat ng komite. Upang maging opisyal na ulat, kailangan umano itong lagdaan at aprubahan ng hindi bababa sa 11 senador bago isumite para sa talakayan sa plenaryo.

Dagdag pa niya, kinakailangan ang lagda ng kahit isang miyembro ng minority bloc ng Senado, partikular ni Minority Leader Senador Alan Peter Cayetano, upang maabot ang kinakailangang bilang. Sinabi rin ni Lacson na inaasahang magsasagawa pa ng isa o dalawang pagdinig ang komite bago tapusin ang pinal na bersyon ng ulat.

Nagpulong ang komite noong Pebrero 4, kung saan tinalakay ang paggamit ng angkop na pananalita sa ilang bahagi ng draft. Ayon kay Lacson, bukas din siyang isumite ang ulat sa Office of the Ombudsman at sa Department of Justice bilang chairman’s report sakaling hindi makalikom ng sapat na lagda ang komite.