Calendar
Siguruduhin na matibay ang ebidensya bago maglabas ng warrant of arrest — Tulfo
NANINDIGAN si Senador Erwin T. Tulfo na kailangang siguruhin ng Department of Justice (DOJ), Office of the Ombudsman, at Anti-Money Laundering Council (AMLC) na matibay ang ebidensiya laban sa tatlong mambabatas bago maglabas ng anumang warrant of arrest.
Sa isang ambush interview, kinumpirma ni Tulfo na dumalo siya sa isang pribadong konsultasyon kasama ang ilang senador gaya nina Sherwin Gatchalian, Senate President Vicente Sotto III, Panfilo Lacson, Loren Legarda, at Raffy Tulfo. Aniya, “nag-exchange lang ng notes and ideas,” at hindi lahat ng miyembro ng komite ay naroon.
Layunin ng konsultasyon na plantsahin ang direksyon ng committee report na kasalukuyang binubuo matapos ang serye ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee. “Para in sync kami tsaka one direction,” ani Tulfo. “Do we have enough evidence? We just consulted with the DOJ and AMLC and Ombudsman”.
Ngunit giit ni Tulfo, hindi sapat kung walang malinaw at konkretong ebidensya. “Kung wala naman tayo airtight case laban sa mga ito, what are we talking about here?” tanong niya. Nang tanungin niya ang DOJ at Ombudsman, aniya ay sinagot siyang hindi sila maglalabas ng warrant “kung wala ho kaming matibay” na basehan.
Binalikan din ng senador ang kaso ni Janet Napoles bilang babala. “Trial by publicity lang mangyayari, wala naman pala,” dagdag niya, at iginiit na masyadong maraming oras at resources ng Senado, DOJ, at Ombudsman ang masasayang kung mauulit ang ganitong pangyayari.
Ayon kay Tulfo, hindi tahasang sinabi ng mga ahensya na binubuo pa nila ang kaso, ngunit “they’re just finishing up something.” Naging rekomendasyon niya na kung maglalabas ng warrant, siguraduhin na ito’y “airtight.”
Sa tanong kung makakalusot sa plenaryo ang committee report, sinabi ni Tulfo na hindi pa niya ito nababasa. “Honestly, hindi ko pa talaga nakita kasi 400 pages dyan.” Aniya, may ilang senador ang “hesitant” pumirma dahil may mga bahagi umano ng ulat na “kulang” o “malamya”.
Hindi rin tiyak kung maipipilit na maisalang ito sa plenaryo sa araw na iyon, lalo pa’t punô ang agenda ng Senado.

