Calendar
‘Bagsak sa grade’ na BIR binatikos ng mga senador
BINATIKOS ni Sen. Erwin Tulfo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa umano’y mahina at halos walang naging resulta ang mga kasong isinampa laban sa tiwaling empleyado sa kabila ng libolu-libong isinasagawang audit taun-taon.
Pinangunahan ni Tulfo ang pagdinig sa ilalim ng kanyang inihaing Senate Resolution No. 180 na layuning busisiin ang umano’y pang-aabuso sa paggamit ng Letters of Authority (LOAs) at Mission Orders, na aniya ay “ginagamit na panakot” imbes na legal na kagamitan sa tax enforcement.
“Ang tanong po namin: may paraan ba kayo para hindi na maulit ito?
Sapat ba ang mga reporma ninyo para tuluyang mapigil ang ganitong kalakaran?” tanong ni Tulfo kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza.
Ibinunyag ni Tulfo na sa 3,520 LOAs na inilabas, 54 lang ang umabot sa Final Decision on Disputed Assessment (FDDA) at marami ang hindi umabot man lang sa Notice of Discrepancy o Preliminary Assessment Notice.
“If you don’t know properly kung ano ang cause or causes kung bakit ganoon kalaki ang drop from LOA hanggang sa FDDA, then I don’t see how you can succeed,” sabi ng senador.
Dagdag pa ng senador, sa mahigit P600 bilyong buwis na na-assess ng BIR, P7.95 bilyon lamang ang aktwal na nakolekta mula 2023 hanggang 2025.
“Bagsak sa grado,” ayon kay Tulfo.
Sa gitna ng pagdinig, sinabi ni Commissioner Mendoza na 30 empleyado ng BIR ang kasalukuyang iniimbestigahan at 25 sa kanila ay may pormal na kasong isinampa.
Giit niya, may parusa sa ilalim ng bagong reporma—administratibo, sibil, o kriminal—para sa mga lalabag.
Gayunman, iginiit ni Tulfo na hindi sapat ang mga pangakong reporma kung walang tuloy-tuloy na aksyon. “Expect dito sa bagong pamunuan ng Bureau of Internal Revenue, we will continue to monitor,” babala niya.
Sumuporta si Senador Panfilo Lacson, chairman ng komite, at binigyang-diin ang mga datos na nagpapakitang “bagsak” ang performance ng BIR batay sa laki ng agwat sa pagitan ng LOA at final assessment.
Nagpahayag din si Senador JV Ejercito ng pagkabahala sa epekto nito sa pambansang pondo.
“We need the BIR and other revenue-generating agencies now dahil talagang medyo mabigat ang short. P200 billion kaagad ang kulang sa budget,” sabi niya.

