Landfill Source: KADAMAY FB

1 sa 3 natabunang mangangalakal sa pagguho ng sanitary landfill, na-recover na

Zaida Delos Reyes Feb 23, 2026
292 Views
Landfill2
Source: KADAMAY FB

NA-RECOVER na ang isa sa tatlong mangangalakal na natabunan sa pagguho ng sanitary landfill sa Rodriguez Rizal nitong Biyernes ng hapon.

Pinabulaanan din ni Rodriguez Rizal Mayor Ronnie Evangelista ang mga naglabasang ulat na 50 hanggang 100 indibidwal ang natabunan ng trashslide .

Sa ngayon aniya, patuloy pang hinahanap ang dalawang mangangalakal na biktima ng trahedya.

“Tatlo po ‘yung missing , pero yung isa po sa missing na-retrieve na. Nakuha na po kahapon, nakuha narin ng pamilya kaya meron pang dalawa na nawawala,” pahayag ng alkalde.

Inamin din ng alkalde na napakahirap ng ginagawang recovery o retrieval operation sa bundok ng basura.

Ayon sa alkalde, ang landfill ay private owned corporation at hindi pinapatakbo ng provincial government.

Ayon naman kay Atty. Mark Delos Reyes, legal representative ng International Solid Waste Integrated Management Specialist Incorporated, operator ng landfill, nangyari ang trahedya dakong 3:00 ng hapon nitong Biyernes.

Paliwanag ni Delos Reyes, gumuho ang mga nakasiksik na basura sa ilalim dahil sa bigat ng ginagamit na equipment.

Sa ngayon aniya, ang focus ng kanilang operasyon ay search and retrieval.

Paliwanag niya, mahigpit ang seguridad at hindi basta-basta pinapapasok ang mga tao sa landfill habang nagpapatuloy ang search and retrieval operation.

Kaugnay nito, hiniling naman ng pamahalaang lokal ng Rodriguez Rizal sa Department of Environment and Natural Resources o DENR na magkaroon ng agarang imbestigasyon sa insidente.