Koreano

BI nasakote Koreano na wanted dahil sa panloloko

Jun I Legaspi Mar 4, 2026
132 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa transnational crime at pangalagaan ang integridad ng mga hangganan ng bansa, inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Koreanong pugante na sangkot sa malakihang panloloko sa kanyang bansa.

Ayon kay BI Fugitive Search Unit (FSU) Chief Rendel Ryan Sy, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan noong Pebrero 26 sa Barangay Palamis, Alaminos City, Pangasinan, na nagresulta sa pagkakaaresto kay Moon Hayoung, 40.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng mga awtoridad ng Korea, Alaminos City Police Station, at mga ahensiyang pang-intelihensiya ng pamahalaan.

Si Moon ay may Interpol Red Notice bunsod ng warrant of arrest mula sa Suwon District Court para sa kasong pandaraya, paglabag sa Article 347(1) ng Criminal Act ng Korea.

Batay sa ulat, nagtayo si Moon ng voice phishing operations noong Enero 2017, kung saan nagpanggap ang mga kasapi bilang kinatawan ng isang malaking bangko sa Korea. Tinatayang umabot sa US$840,000 ang naloko mula sa mga biktima. Kinilala siya bilang “boss” ng grupo — ang utak na nag-organisa, nagpondo, at nagtayo ng pasilidad para sa scam.

Sa kanyang pag-aresto, natuklasan ding may hawak siyang pekeng pasaporte ng Pilipinas sa pangalang Jonathan Martinez Park. Iniulat din na nagmamay-ari siya ng ilang resort properties sa Batangas at Pangasinan.

Nagbigay ng matinding babala si BI Commissioner Joel Anthony Viado matapos ang pagkakaaresto:

“Ang mga dayuhan na gumagamit ng maling identidad upang makaiwas sa batas ay haharap sa buong bigat ng batas. Hindi namin pahihintulutan ang sinuman na abusuhin ang aming pakikipagkapwa, samantalahin ang aming legal na sistema, o gamitin ang mga pribilehiyong nakalaan para sa mga lehitimong bisita.”

Pinuri ng Komisyoner ang FSU at mga katuwang na ahensya sa matagumpay na operasyon, at binigyang-diin na nananatiling walang humpay ang Bureau sa mandato nitong pangalagaan ang pambansang seguridad at ipatupad ang batas.

Si Moon ay kasalukuyang nakapiit sa BI Warden Facility habang isinasagawa ang deportation proceedings.