Calendar
Senado patuloy sa pagdinig sa pang-aabuso sa mga govt-issued IDs, docs
IPINAGPATULOY noong Lunes ni Sen. Risa Hontiveros ang pagdinig sa umano’y pang-aabuso ng government-issued identification documents at visa, kabilang ang mga isyung iniuugnay sa kaso ng negosyanteng si Joseph Sy na tinukoy bilang “Alice Guo 2.0.”
Humingi ang subpanel ng updates mula sa Philippine Statistics Authority, National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration at iba pang ahensya kaugnay ng 1,200 Chinese nationals na napaulat na nakakuha ng birth certificates sa Davao de Oro.
Kasama sa tinalakay sa pagdinig ang mga ulat hinggil sa paglitaw ng tinatawag na “Filipino spies” na umano’y iniuugnay sa isang foreign state actor, na iniugnay sa usapin ng pambansang seguridad.
Nabahala si Sen. Raffy Tulfo sa dumaraming foreign nationals, partikular ng mga Chinese, na umano’y nakakuha ng pekeng Filipino citizenship at iba pang government-issued documents sa pamamagitan ng mga birth certificate na inilabas ng mga local civil registry office sa ilalim ng late registration.
Batay sa PSA data, tinatayang nasa 1,471 Chinese nationals ang nakakuha ng kuwestiyonableng Philippine documents gaya ng birth certificates, passports, citizenship papers at iba pang government IDs.
Ayon kay Atty. Eliezer Ambatali, Director III ng PSA Legal Services, naendorso na ang mga kaso sa Office of the Solicitor General na siyang magpapasya kung dapat nang kanselahin ang mga dokumento.
Ngunit nang tanungin ni Tulfo kung may naisampa nang mga kaso, may mga nakansela nang dokumento, o may mga naipadeport nang violators, hindi nakasagot si Assistant Solicitor General Eric Remegio Panga.
“So hindi mo alam kung ilan na doon sa 1,640 ang nakansela,” tanong ni Sen. Tulfo
“So maaaring sa 1,640, nakakuha na ‘to ng iba’t-ibang mga IDs sa ating gobyerno. Maaring ilan sa kanila dito baka pulitiko na, baka mayor na, baka congressman.
O Baka nagtatrabaho na sa DND at pwede nang mag-espiya! Nagtatrabaho na sa PNP, sa coast guard! We don’t know because sa pagiging inutil niyo diyan sa OSG,” tanong ni Tulfo.
Binatikos din ni Tulfo ang kakulangan ng koordinasyon sa pagitan ng PSA at Department of Foreign Affairs sa pagtiyak kung ang parehong mga indibidwal ay nabigyan din ng Philippine passports.
Isinusulong din ni Tulfo ang isang panukalang batas na magpapahintulot sa PSA na kanselahin ang mga dokumentong mapatutunayang iligal na nakuha matapos ang 30-araw na imbestigasyon.
“I’m going to pass a bill. Ang PSA ang gagawa ng investigation within a period of 30 days. Once it’s proven na fake ang birth certificate or any other document was acquired illegally, dun pa lang sa inyo sa PSA, kakanselahin n’yo na,” giit ni Tulfo.
