1 utas, 1 ligtas sa pamamaril sa Bulacan

Bernard Galang Mar 11, 2026
245 Views

GUIGUINTO, Bulacan–Patay ang police intelligence officer at sugatan ang isang babae sa pamamaril ng hindi nakikilalang lalaki sa gathering ng homeowners’ association noong Linggo sa Brgy. Panginay ng bayang ito.

Kinilala ang nasawi na si Police Master Sergeant Jesus Uring, 50; at sugatan naman si Jorilyn Acedera, 54, ayon sa report.

Dead-on-arrival ang pulis dahil sa tama ng bala sa batok pagdating sa Guiguinto Polymedic Hospital.

Naganap ang pamamaril sa basketball court ng Brooklyn Heights Subdivision kung saan nagtipon ang mga residente para sa isang caucus bilang paghahanda sa halalan ng mga opisyal ng homeowners’ association.

Naghahanda nang umalis ang mga dumalo nang lapitan ng suspek si Uring mula sa likuran habang naglalakad ang pulis patungo sa isang tent kung saan nakalagay ang inuupahang mobile sound system.

Ayon sa mga saksi, naghagis pa umano ng mga upuan ang ilang residente sa suspek habang ito’y tumatakas dahilan upang muli itong magpaputok patungo sa grupo at tinamaan si Acedera sa tuhod.

Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek na naglalakad patungo sa Block 9 ng subdivision.

Nagsasagawa ng follow-up operation ang mga Guiguinto police na pinamumunuan ni Lt. Col. Librado Manarang.

Sinusuri na rin ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa pag-atake, kabilang kung may kaugnayan ito sa halalan ng homeowners’ association o sa iba pang personal o propesyonal na dahilan.