Calendar
Bantay bukid na wanted sa gahasa huli, walang piyansa
KAMPO HENERAL MALVAR,Batangas City—Inaresto noong Martes ng mga tauhan ng Balayan Municipal Police Station (MPS) sa Bgy. Putol, Tuy, Batangas ang isang caretaker na itinuturing na Regional Most Wanted Person.
Kinilala ni Batangas Police Director PCol. Marlon V. Rufo ang akusado na si alyas Roy, 59, may asawa, at residente ng Bgy. Putol, ng nabanggit na bayan.
Ang suspek ay inaresto sa bisa ng Warrant of Arrest para sa krimeng panggagahasa na inisyu laban sa kanya ng Balayan, Batangas Regional Trial Court Branch 11.
Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.
“Sa pamamagitan ng pinaigting na operasyon ng pulisya laban sa wanted person, muling pinagtitibay ng Batangas PNP ang kanilang pangako sa isang ligtas at maayos na lalawigan. Naninindigan kaming nagkakaisa sa pagtiyak na walang sinumang nagkasala ang makakatakas sa batas,” idiniin ni PCol. Rufo.

