Calendar
P19.5M lead recycling tools narekover sa Pampanga
SAN SIMON, Pampanga–Labing-isang Chinese nationals ang inaresto at P19,514,100 na halaga ng lead recycling tools at materials ang naharang sa San Simon, Pampanga noong Marso 11-12 .
Sinalakay ang warehouse dahil sa paglabag sa mga batas pangkalikasan at pangkalusugan na may kaugnayan sa hazardous waste at ilegal na pagre-recycle ng mga lumang automotive battery.
Ipinatupad ng mga pulis ang search warrant sa loob ng Global Aseana Business Park 1 sa Brgy. Dela Paz at inaresto ang may-ari at mga manggagawa na sina alyas na Liu, 30; Yang, 35; Qui, 33; Bin, 31; Hao, 46; Qi, 55; Chen, 63; Lee, 34; Ma, 64; Sheng, 48; at Hai, 50.
Pinoproseso umano sa pasilidad ang mga gamit at sirang automotive battery upang makuha ang lead o tingga.
Ibinunyag ng isang informant na ang mga hazardous waste na nalilikha mula sa proseso ng pagre-recycle ay itinatapon umano nang hindi maayos sa likod ng isang bodega, na maaaring magdulot ng panganib sa kapaligiran at sa kalusugan ng mga residente sa kalapit na komunidad.
Ayon kay CIDG RFU3 Chief Col. Grant Gollod, nagsagawa ng surveillance operations ang CIDG RFU3 na humantong sa pagkumpiska ng iba’t-ibang kagamitan at materyales na pinaniniwalaang ginagamit sa naturang operasyon.
Nasamsam ang dalawang plastic battery crusher machine, tatlong Heli forklift, 40 4D junk car batteries, 180 3SM junk car batteries, 180 2SM junk car batteries, 50 1SM junk car batteries, 55 industrial batteries, 180 industrial batteries at humigit-kumulang 700 e-bike batteries.
Tinatayang nagkakahalaga ng P6,087,600 ang mga nasabing kagamitan at materyales.
Samantala, sa isa pang bodega, nakarekober ang mga operatiba ng isang furnace, dalawang Heli forklift, 18 jumbo bag ng stone coal, 10 metal molds at tinatayang 8,950 kilo ng finished lead products na nagkakahalaga ng P13,426,500.
Sa kabuuan, umabot sa P19,514,100 ang tinatayang halaga ng lahat ng nasamsam na ebidensya.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa RA 6969 (Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990).

