Calendar
2 motor vs truck 2 utas, 1 sugatan
SAN JOSE CITY, Nueva Ecija–Dalawa ang nasawi at isa ang malubhang nasugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo at truck sa Brgy. Caanawan ng bayang ito noong Sabado.
Sa ulat kay Police Regional Office-3 director Brig. Gen. Jess Mendez, nakilala ang mga nasawi na sina Feliciano Jardinez III, 24; at John Leo Balcita, 17.
Sugatan naman ang back rider ni Balcita na si King Leander Peralta, 22.
Bumangga sa Isuzu wing van truck na minamaneho ni Rino Sales, 50, ang Honda Click na minamaneho ni Jardinez at Yamaha Mio na minamaneho ni Balcita.
Bumibiyahe ang truck at Honda Click patungong Science City of Muñoz nang tangkain umano ng rider ng Honda Click na mag-overtake pero sumalpok sa paparating na Yamaha Mio.
Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon ang rider ng Honda sa linya ng truck at nakaladkad ng 10 metro.
Bumagsak naman sa gilid ng kalsada ang Yamaha Mio at ang dalawang sakay nito.
Dinala sa Ospital ng Lungsod ng San Jose ang mga biktima, ngunit idineklarang dead-on-arrival sina Balcita at Jardinez.
Nasa kustodiya na ng San Jose City police ang driver ng truck.

