Gatchalian

Contingency plan suportado sa Senado

102 Views

MAMUMUNO si Senador Sherwin Gatchalian sa Senate ad hoc committee na magtutulak ng contingency plan upang maprotektahan ang bansa laban sa pinsalang pang-ekonomiya na dulot ng krisis sa Gitnang Silangan, habang nagpahayag naman ng suporta si Senador Joel Villanueva sa hakbang para sa kapakanan ng mga pamilyang Pilipino at ng ekonomiya.

Ang Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy o PROTECT Committee ay inaasahang magpaplano, magmo-monitor, at mag-uugnay ng pagtugon sa krisis. Ayon kay Gatchalian, aktibong haharapin ng komite ang mga pangunahing hamon ng bansa, kabilang ang kaligtasan at seguridad ng overseas Filipino workers at mga seafarer, pagtaas ng presyo ng langis at pagkagambala sa suplay, banta ng matinding inflation, pagkaantala sa sistema ng transportasyon, at kahinaan ng lokal na ekonomiya.

Bilang itinalagang mamuno sa ad hoc committee, binigyang-diin ni Gatchalian ang agarang pangangailangan para sa isang malinaw, maayos na magkakaugnay, at komprehensibong contingency plan. “Nais nating mapagaan ang mabigat na dinadala ng ating mga kababayan. Tinatanggap natin ang hamon ng komiteng ito sa gitna ng mahalagang panahong ito, at nakatuon tayo sa pagtiyak na ang lahat ng tulong at mga hakbang sa mitigasyon ay hindi lamang magiging sapat kundi tuloy-tuloy,” ani niya.

Samantala, sinabi ni Villanueva na ang panukala ay hindi lamang usapin ng foreign affairs o policy coordination, kundi tugon din sa araw-araw na epekto ng tumataas na presyo ng langis sa mga tsuper ng jeepney, maliliit na negosyo, at mga pamilyang Pilipino. “This resolution ensures we are not reacting too late. It gives our people assurance that the government is prepared and their welfare is being protected amid uncertainty,” aniya sa plenaryo noong Marso 18.

Layon ng komite na ipatupad ang isang whole-of-government approach sa pamamagitan ng maayos na koordinasyon ng mga stakeholder, magkakatugmang prayoridad, at epektibong pagpapatupad. Inaasahan din itong magsumite ng ulat sa Senado na naglalaman ng mga obserbasyon at rekomendasyon nito, at magbibigay ng kopya sa Punong Ehekutibo para sa nararapat na aksyon.