Magsino

Kongresista pinasalamatan ng ex-party list solon

Mar Rodriguez Mar 19, 2026
385 Views

PINASALAMATAN ni dating OFW Partylist Rep. Marissa Magsino ang mga miyembro ng Kamara de Representantes dahil sa kahandaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naiipit sa giyera sa Middle East.

Tiniyak ng Kongreso ang ginagawa nitong paghahanda para matulungan ang libu-libong OFWs sa Gitnang Silangan na kasalukuyang naiipit sa digmaan sa pamamagitan ng pagsusulong ng supplemental budget.

Ang supplemental budget ay ilalaan para sa integrated crisis response at komprehensibong re-integration para sa mga OFWs na babalik ng Pilipinas para matiyak ang kanilang kaligtasan.

Nagpasalamat si Magsino sa mga dating kasamahan sa Kamara de Representantes na kumikilos para mapangalagaan ang interes ng mga OFWs sa Middle East.

Sinabi niya na ang pagkilos ng Kongreso ay nagpapakita lamang sa malasakit at pagkalinga ng pamahalaan sa kapakanan ng mga OFWs sa gitna ng masalimuot na sitwasyon sa Middle East.

Ipinaliwanag ni Magsino na patuloy din ang ginagawang monitoring ng OFW Party List sa mga kasalukuyang kaganapan sa Middle East para sa maraming Pilipino nagtatrabaho sa Iran, Israel at Iraq.

Pinuri ni Magsino ang Senado dahil sa pag-apruba sa Senate Bill No. 1917 o Overseas Filipino Workers’ Remittance Protection Act na naglalayong protektahan ang perang ipinapadala ng mga OFWs sa kanilang pamilya.

Ayon sa dating mambabatas, ang perang ipinapadala ng mga OFWs para sa kanilang pamilya ay bunga ng sakripisyo kung saan ang kanilang puhunan ay dugo at pawis kaya dapat lamang na mabigyan sila ng proteksyon.