Calendar
Larawan: Philippine National Police/FB
Dalagang agaw-buhay dahil umano sa sleeping pills, nasagip ng PNP
AGAW-BUHAY ang isang dalaga sa Binangonan, Rizal matapos umano itong mawalan ng malay dahil sa pag-inom ng sleeping pills pero mabilis na aksyon ng mga pulis ang naging susi sa kanyang pagkaligtas!
Naganap ang insidente noong Marso 17, 2026 sa kahabaan ng Manila East Road, Brgy. Mambog, kung saan agad lumapit ang pamilya ng biktima sa mga nagpapatrolyang sina Patrolman Richard Valerio at Patrolman John Daryl Magtibay ng Philippine National Police.
Walang pag-aalinlangan, agad isinakay ng mga pulis ang dalaga at isinugod sa pinakamalapit na ospital habang kritikal ang kanyang kondisyon!
Dahil sa mabilis at maingat na responde, naibigay sa oras ang kinakailangang lunas kaya’t nailigtas ang kanyang buhay.
Pinuri naman ang aksyon ng kapulisan bilang patunay na hindi lang batas ang kanilang ipinapatupad kundi pati malasakit sa mamamayan.
Ayon kay Jose Melencio Nartatez Jr., mahalaga ang agarang pagtugon sa ganitong sitwasyon. “Every life matters, and our personnel must always be ready to respond with care and urgency,” aniya.
Dagdag pa niya, bahagi ng tunay na serbisyo ng pulis ang pagtulong sa oras ng pangangailangan lalo na kung buhay na ang nakataya.

