Kuryente Ang mga biktima habang isinusugod sa pagamutan. JONJON C. REYES

Batang babae, 8, nakuryente habang namimitas ng mangga, kritikal

Jon-jon Reyes Mar 23, 2026
230 Views

HINDI na umabot ng buhay sa pagamutan ang 30-anyos na lalaking tricycle driver matapos saklolohan at iligtas ang walong taong gulang na batang babae na nakuryente habang namimitas ng mangga sa bakanteng lote sa kahabaan ng Magallanes Street, Barangay 655, Intramuros, Manila, Lunes ng umaga..

Nakilala ang nasawi na si Adrian Matados, residente ng 452 Cabildo Street, Intramuros. Patuloy na ginagamot at inoobserbahan ang batang babae, estudyante, at residente ng Intramuros, sa ospital.

Ayon sa mga rumespondeng pulis na sina PSMS Joemar Ungui Jr., PSSg Jhim Ryan Barbosa at Pat Christian Garais, mga tauhan ng Intramuros PCP, Ermita Police Station, bandang 10:35 ng umaga nang maganap ang insidente.

Base sa salaysay ng nakasaksi, aksidenteng nahawakan ng biktima ang isang live electrical wire mula sa poste ng kuryente.

Nakuryente at nangisay ang biktima kung kaya’t sumaklolo ang tricycle driver.

Napadikit din ang tricycle driver sa live wire at nakuryente.

Ang dalawang biktima ay agad na dinala sa Seaman’s Hospital sa Intramuros.

Bandang 11:21 ng umaga nang idineklara patay na ang tricycle driver ng attending physician na si Dr. Asmina M. Mangurun.

Rumesponde si MPD Homicide Investigator , PMSg Roderick Magpale upang alamin ang mga detalye ng insidente.