BBM

Post-harvest facilities ininspeksyon ni PBBM, Speaker Dy

Mar Rodriguez Mar 28, 2026
260 Views

ININSPEKSYON ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang mga post harvest facilities sa Isabela upang matiyak ang kahandaan ng pasilidad.

Binigyang diin ng House Speaker ang pinaigting na hakbang ng pamahalaan para lalo pang palakasin ang productivity sa larangan ng agrikultura, bawasan ang mga pagkalugi at itaas ang kita ng mga magsasaka.

Ayon kay Speaker Dy, ang mga bagong gawang pasilidad ay representasyon ng mga hakbang na ipinatutupad ng gobyerno tungo sa pagpapabuti ng productivity at kita ng mga magsasaka.

Ipinaliwanag ni Dy na ang pamumuhunan sa imprastraktura ng agrikultura ay katumbas ng seguridad sa pagkain o “food security” at katatagan ng ekonomiya ng bansa.

“Hindi lang po ito pagbubukas ng mga pasilidad. Ito ay pagbubukas ng oportunidad para sa mas maliwanag na kinabukasan ng ating mga magsasaka at ng buong sambayanang Pilipino,” wika ni Dy.

Pinuri din ni Speaker Dy ang pamumuno ni President Marcos, Jr. dahil sa pagbibigay prayoridad sa agrikultura.

Ayon sa Speaker, ang pagdalo ni Pangulong Marcos sa inagurasyon ay sumasalamin sa “whole-of-government approach” ng gobyerno para matiyak ang seguridad sa pagkain.

“Kitang-kita natin ang malinaw na direksyon ng Pangulong Bongbong Marcos Jr. Ito ay ang pagpapalakas ng ating agrikultura dahil ang agrikultura ay hindi pangalawa sa haligi ng ating ekonomiya dahil ito ay prioridad ng pamahalaan,” sabi ni Speaker Dy.

Kinilala din ng House leader ang pagsisikap ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel, Jr. sa pagpapatupad ng mga programang direktang nakikinabang ang mga magsasakang Pilipino.