Calendar
Larawan: U.S. Embassy in the Philippines/FB
US, maghihigpit sa social media ng mga aplikante
MAS mahigpit na screening ang ipinatutupad ng United States Embassy in the Philippines sa mga nais kumuha ng visa matapos ianunsyo ang bagong patakaran na obligadong gawing “public” ang social media accounts ng aplikante.
Simula Marso 30, hindi na lang estudyante at H-1B workers ang sakop ng patakaran kundi pati fiancé(e) visa applicants, domestic workers, exchange visitors, religious at cultural travelers, at maging mga witness at biktima ng krimen na may visa applications.
Ayon sa embahada, kailangang i-set sa “public” ang lahat ng social media profiles upang makumpleto ang proseso ng aplikasyon, kasabay ng mas masusing background check.
Matagal nang bahagi ng visa process ang pagsusumite ng social media details, pero ngayon ay mas pinalawak pa ito. Mula pa noong 2019, inaatasan na ang mga aplikante na ilista ang lahat ng kanilang social media usernames at accounts sa nakalipas na limang taon.
Sa ilalim ng bagong patakaran, kailangang tiyakin ng aplikante na tama at kumpleto ang impormasyong isusumite. Babala ng embahada, ang pagtatago o hindi pagdeklara ng social media accounts ay maaaring magresulta sa visa denial at maging hadlang pa sa future applications.
Ginagamit umano ng US authorities ang social media data para masuri ang eligibility at background ng aplikante bago payagang makapasok sa bansa.

