Calendar
House panel sinubpoena BIR chief para sa tax records nina VP Sara, Manases

NAGLABAS ng subpoena ang House Committee on Justice sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang isumite ang mga rekord ng buwis ni Vice President Sara Z. Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio, kabilang ang halos dalawang dekadang income tax returns, bilang bahagi ng nagpapatuloy na impeachment proceedings.
Sa isang “subpoena ad testificandum et duces tecum” na may petsang Marso 31, 2026, inatasan ng panel si BIR Commissioner Atty. Charlito Martin R. Mendoza na humarap sa mga mambabatas sa Abril 14, 2026, alas-10:00 ng umaga sa House of Representatives sa Quezon City.
“Ikaw ay inaatasan na humarap sa Committee on Justice sa Abril 14, 2026, alas-10:00 ng umaga, sa ikalawang palapag ng People Center, House of Representatives, at magsumite ng mga sumusunod na dokumento,” ayon sa utos.
Ang subpoena ay nag-ugat sa mga beripikadong reklamong impeachment laban kay Duterte na inendorso ng ilang mambabatas.
Hinahanap ng mga mambabatas ang “pagsunod sa buwis at iniulat na kita ni Sara Z. Duterte, ng kanyang asawa na si Manases Carpio, at ng iba’t ibang business entities na kanilang kinabibilangan,” pati na rin ang “mga orihinal o sertipikadong tunay na kopya ng Annual Income Tax Returns nina Sara Z. Duterte at ng kanyang asawa na si Manases Carpio mula taong 2007 hanggang 2025.”
Saklaw din ng utos ang iba’t ibang korporasyon at mga negosyong sinasabing may kaugnayan sa mag-asawa, kabilang ang Metro City Chow Foods Corp., Gencorp Industries Inc., Carpio Lawyers, 888 Bistro, CALE88 Foods Corp., Madayaw Fisheries Corp., Mati City Ice Plant and Cold Storage Inc., Amianan Shores Inc., Geometry Security and Investigation Agency Inc., at Cabletow 88 Shipping and Marine Services Inc.
Ayon sa panel, kinakailangan ang mga rekord “upang matukoy at mapatunayan ang mga isinumite sa inyong tanggapan, kabilang ngunit hindi limitado sa Income Tax Returns at Annual Financial Statements ni Vice President Sara Zimmerman Duterte at ng kanyang asawa na si Manases Carpio, pati na rin ng iba’t ibang entity na kanilang kinabibilangan, at upang makapagbigay ng testimonya ukol dito.”
Ang utos ay inilabas “sa kapangyarihan ng Komite,” at nilagdaan ni Justice Committee chairperson Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas, ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, at pinatotohanan ni Secretary General Atty. Cheloy E. Velicaria-Garafil.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng mga pagdinig ang panel upang matukoy kung may sapat na batayan upang iakyat ang mga reklamong impeachment laban kay Duterte sa plenaryo para sa posibleng pagpapasa nito sa Senado.

