Tulfo Pinanguhan ni Sen Erwin Tulfo ang pagdinig sa Senado sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) nitong Abril 7, 2026. Nanawagan ang senador sa mga ahensya ng gobyerno na siguruhing masustain ang mga tulong sa mga mamamayan sa gitna ng hinaharap na crisis ng bansa. Nagbigay naman ng suporta ang Philippine Charity Sweepstakes Office Assistant General Manager (AGM) for Charity Sector Atty. Lauro Patiag at Arnel Casas AGM for Management Services Sector. Kuha ni JOSEPH MUEGO

Tulfo: Ayuda di lang dapat sa pinakamahirap kundi pati sa minimum wage earners

93 Views

ISINUSULONG ni Senador Erwin Tulfo ang ayuda ng gobyerno na sasaklaw hindi lamang sa pinakamahihirap na sektor kundi maging sa mga manggagawang sumasahod ng minimum wage habang tinatalakay ang mga panukalang susog sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program Act, mga livelihood program, at mga pondong maaaring gamitin sa pagtugon sa krisis sa gitna ng sigalot sa Gitnang Silangan.

Sinabi ni Tulfo na dapat ding isaalang-alang ng pamahalaan ang mga manggagawang tumatanggap ng minimum wage o mas mababa pa, na aniya’y kabilang sa gulugod ng labor force ng bansa.

“We have to look at everybody, not just the poorest of the poor. What about the backbone of our labor force, those earning minimum wage or even below?,” aniya sa pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development.

Nagbabala siya na maaaring hindi mapanatili sa pangmatagalan ang tuloy-tuloy na ayuda kung mananatiling nakatuon lamang ito sa mga sektor gaya ng transport groups, mga magsasaka, mangingisda, at mga benepisyaryo ng 4Ps habang naiiwan ang mga manggagawang gaya ng cashier, janitor, at security guard.

Ipinaliwanag ni Tulfo na hindi lamang dapat magbigay ng agarang ginhawa ang 4Ps kundi magsilbi ring tulay tungo sa pangmatagalang pag-unlad, habang ang mga livelihood program ay dapat magbigay ng kakayahan sa mga benepisyaryo upang makatayo sa sarili nilang paa.

Idinagdag niya na dapat magsabay ang dalawang programang ito upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta at makalikha ng mas maraming pagkakataon para sa pangmatagalang katatagan ng mga pamilyang Pilipino.