Calendar
Taxi drivers, operators sa buong bansa nakatanggal na ng P98M fuel ayuda
MAHIGIT ₱98 milyon na fuel subsidy sa anyo ng cash assistance ang naipamahagi na sa mga taxi drivers at operators sa buong bansa bilang bahagi ng patuloy na pagtulong sa sektor ng transportasyon sa gitna ng negatibong epekto ng krisis sa Gitnang Silangan, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, pinabibilis din ang pamamahagi ng ayuda para sa iba pang mga public utility vehicle (PUV) drivers alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pamamagitan ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez.
“Patuloy ang ating koordinasyon sa mga transport service entities (TSEs) na may kinalaman sa mga taxi at operators. Regular ang ating monitoring upang agad makapagbigay ng interbensyon kung may aberya o problema,” ani Chairman Mendoza.
Pinakamalaking bahagi ng pondo ay naipamahagi sa Central Office sa Quezon City, kasunod ang Davao Region, Central Visayas, at Western Visayas.
Inatasan na rin ni Chairman Mendoza ang mga Regional Directors, lalo na sa mga lugar na may malalaking siyudad, na bumaba at direktang makipag-ugnayan sa mga TSEs upang mapabilis ang distribusyon ng fuel subsidy.
“Nakahanda ang pondo at ang layunin natin ay maipamahagi ito sa lalong madaling panahon upang agad matanggap ng mga benepisyaryo,” dagdag pa ni Chairman Mendoza.
“Alam natin ang mga hamon kaya’t ginagawa natin ang lahat ng hakbang, kabilang ang direktang pakikipag-ugnayan sa mga TSEs at iba pang stakeholders, upang mapabilis ang proseso.”
Binigyang-diin ni Chairman Vigor na bukas ang mga hotline at social media accounts ng LTFRB para sa anumang katanungan o concern kaugnay ng distribusyon ng fuel subsidy.
Hinimok niya ang mga benepisyaryo na huwag mag-atubiling humingi ng tulong mula sa LTFRB kung may kinakaharap na problema.
“Para po sa inyo ang ayudang ito kaya magtulungan tayo upang mapabilis na makuha ang tulong na galing sa pamahalaan,” ani Chairman Vigor.

