AFP

Lacson tiwala na AFP, PNP mananatiling propesyonal

130 Views

NAGPAHAYAG ng tiwala si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson na mananatiling propesyonal ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa gitna ng mga ulat tungkol sa umano’y pagtatangka ng ilang retired officers na humingi ng suporta mula sa uniformed personnel para sa isang military-backed political move.

Sinabi ni Lacson na nakatanggap siya ng impormasyon tungkol sa mga pagsisikap na hikayatin ang mga aktibong miyembro ng militar at pulisya na suportahan ang inilarawan niyang posibleng “people power revolution” na susuportahan ng uniformed services.

Ngunit sinabi ni Lacson na hindi niya nakikitang lalawak ang ganitong hakbang, batay sa professionalism ng AFP at PNP.

“Knowing the mindset of the AFP and the PNP, I don’t think papayag sila,” ani Lacson.

Sinabi ng senador na anumang pagbabago sa pamumuno ay dapat manatili sa loob ng proseso ng Konstitusyon.

Ayon kay Lacson, hindi dapat gamitin ang mga usapin sa korapsyon at iba pang pambansang isyu upang bigyang-katwiran ang isang military-backed “reset” o anumang hakbang na labas sa Konstitusyon.

Binanggit din niya ang pangangailangang tugunan ang mga tanong sa continuity of leadership sa pamamagitan ng kanyang panukalang “Designated Survivor” bill, na naglalayong palawakin ang presidential line of succession lampas sa mga posisyong nakasaad sa kasalukuyang patakaran.

Sinabi ni Lacson na isasama ng panukala ang pinaka-senior na mga senador at miyembro ng Kamara sa line of succession upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng pamahalaan sa isang matinding emergency.

Ang pahayag ng senador ay ginawa sa gitna ng mga talakayan tungkol sa korapsyon, accountability at political succession.