Chua1

Petisyon ng asawa ng VP, diversionary tactic — Chua

101 Views

ISANG diversionary tactic umano ito at tila layuning itago ang katotohanang sina Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte at ang kanyang asawang si Manases Carpio ay may umano’y P6.7 bilyong bank transactions, ayon sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Ito ang pahayag ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chair Joel Chua ng Maynila, isang abogado at miyembro ng House Committee on Justice, bilang reaksyon sa paghahain ng kaso ng asawa ng Pangalawang Pangulo—na isa ring abogado—laban sa mga miyembro ng komite at mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas at AMLC dahil umano sa paglabag sa Bank Secrecy Law at Anti-Money Laundering Law.

Sinabi rin ni Chua na ang mga miyembro ng komite at kanilang mga testigo ay may immunity mula sa pag-uusig ayon sa Konstitusyon.

Tinawag niya ang plano ni Carpio bilang isang “diversionary tactic.”

Ayon sa kanya, hindi pa rin tinatanggi ng Pangalawang Pangulo at ng kanyang asawa ang ulat ng AMLC na may kabuuang P6.77 bilyong “inflows” at “outflows” sa kanilang mga bank account mula 2006 hanggang 2025.

“Ito ay malinaw na diversionary tactic lamang para ilihis ang naratibo dahil ang malinaw po, hanggang ngayon ay hindi pa rin nila itinatanggi ang transaksyong P6.7 bilyon na dumaan sa kanilang bank account,” ani Chua noong Lunes sa isang panayam sa radyo sa dwIZ.

Itinuro rin niya na hindi pa nagkokomento si Carpio sa akusasyon ni dating Senador Antonio Trillanes IV na umano’y nasangkot siya sa pagpupuslit ng ilegal na droga na nakalagay sa magnetic lifters.

“Ang totoo niyan, pati ang mga sinabi ni dating Sen. Trillanes, bakit hindi rin nila ginawang isyu? Samantalang may isyu rin doon tungkol sa magnetic lifter kung saan siya inaakusahan na naglabas nito,” dagdag niya.

“Kaya ang lahat ng ito ay malinaw na para lamang ilihis ang totoong isyu—at ang totoong isyu ay may pumasok na P6.7 bilyon sa kanilang bank account bilang mag-asawa, at hanggang ngayon ay hindi pa nila ito naipapaliwanag o itinatanggi,” diin ni Chua.

Iginiit din ng mambabatas mula Maynila na ang mga miyembro ng House Committee on Justice at kanilang mga testigo ay may immunity mula sa pag-uusig, alinsunod sa Konstitusyon.

“Alam naman ni Atty. Manases Carpio at ng iba pang abogado na ang mga miyembro ng Kamara ay may immunity from suit, lalo na kung ang kanilang ginagawa ay nasa antas ng komite o plenaryo… Nakasaad ito sa ating Saligang Batas. Kaya malinaw na hindi kami maaaring kasuhan batay sa probisyong iyon,” aniya.

Sinabi rin niya na hindi maaapektuhan ng petisyon ni Carpio ang gawain ng komite.

“Kami ay nakatuon lamang sa aming tungkulin at magpapatuloy sa aming ginagawa,” dagdag niya.

Iginiit din ni Chua na hindi nilabag ng panel ang Bank Secrecy Law at ang Anti-Money Laundering Act (AMLA).

Ipinaliwanag niya ang kaibahan ng “bank records” at ng ulat ng AMLC tungkol sa “covered” at “suspicious” transactions, na obligadong iulat ng mga bangko sa AMLC.

“Maliwanag sa Bank Secrecy Law na bawal maglabas ng datos ang bangko, maliban na lamang sa mga kasong impeachment… Ang inilabas namin ay hindi bank account kundi ulat ng AMLC—mga covered at suspicious transactions. Kaya malinaw na walang paglabag,” aniya.

“Dagdag pa rito, ang ulat ng AMLC ay bunga ng subpoena duces tecum na inilabas ng Kongreso. Kaya malinaw na wala talagang nilalabag na batas,” pagtatapos ni Chua.