Calendar
‘Unparliamentary’ attacks ni Rep. Leviste binatikos ng mga mambabatas
PIKON na ang mga lider ng Kamara de Representantes sa walang basehan at “unparliamentary” attacks ni Batangas Rep. Leandro Legarda Leviste kay Executive Secretary Ralph Recto na idinaan pa sa privilege speech.
Kinondena ng mga House leaders ang anila’y “nakakasakit at iresponsableng akusasyon” ni Leviste laban naman sa ilang miyembro ng Kongreso.
Pinararatangan ni Leviste na sangkot sa malawakang bilihan ng boto nuong nakalipas na 2025 midterm elections ang mga kongresista pero wala namang ipinapakitang matibay na ebidensiya.
Hindi na napigilan nina Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union at Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales na maglabas ng saloobin sa inaasal ni Leviste na nag-aakusa sa mga kapwa niya kongresista ng “vote buying.”
Pinagsabihan nina Ortega at Khonghun si Leviste sa paggawa ng tinawag nilang mapanglahat at hindi patas na akusasyon na kumaladkad sa imahe ng Kamara sa kontrobersiya base lamang sa sabi-sabi.
“Ang pribilehiyo ay ibinibigay sa mga miyembro upang makapagsalita tayo ng katotohanan, ng may katapangan, hindi para gawing sandata para sa mga tsismis, paratang, at walang basehang akusasyon,” sabi ni Ortega.
“Ang ginawa ni Rep. Leviste ay unparliamentary. Hindi porket congressman ka, pwede ka ng manglait, magparatang at mandamay ng buong institusyon nang walang hawak na ebidensiya,” ayon kay Khonghun.
Ang talumpati ni Leviste ay tumalakay sa politika sa Batangas ngunit kalaunan ay umani ng matinding pagtutol matapos palawakin ng Batangas congressman ang kanyang pahayag sa mga claim na lahat umano ng miyembro ng Kamara ay nasangkot sa vote-buying.
Ang gastos sa eleksyon sa Batangas, Quezon, at iba pang bahagi ng Calabarzon ay mas mataas diumano kaysa sa ibang rehiyon, sabi rin ni Leviste.
Binigyang-diin ni Rep. Garin, na nag-amyenda sa mosyon na burahin ang ilang bahagi ng talumpati ni Leviste sa record, na hindi maaaring payagan ng Kamara na maging lunsaran ang mga proseso para sa mga mapanirang pahayag na hindi suportado ng mga dokumento, sinumpaang pahayag o anumang pormal na reklamo sa tamang forum.
Hinarap din ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima si Leviste hinggil sa kanyang pangkalahatang akusasyon, at tinawag itong nakakasakit at hindi patas sa mga miyembro ng Kamara na hindi sangkot sa pagbili ng boto.
Inaprubahan ng plenaryo kalaunan ang mga mosyon na burahin sa record ang mga bahagi ng talumpati ni Leviste na itinuturing ng mga mambabatas na walang ebidensya.
Hiniling ni Garin na limitahan ang pagbura sa mga pahayag na hindi kayang patunayan ng mga dokumento.
Si Ortega, na nanguna sa tensyong sesyon, ay nagsabing may karapatan ang mga mambabatas na maglabas ng mga mabibigat na isyu sa kapulungan ngunit dapat itong gawin nang may disiplina, katarungan at respeto sa mga kasamahan.
“Maaari tayong magkaroon ng matinding hindi pagkakaunawaan sa Kongreso, pero hindi natin basta-basta sinisira ang reputasyon ng iba. Ang parliamentary privilege ay panangga para sa katotohanan, hindi lisensya para sa iresponsableng akusasyon,” sabi ni Ortega.

