Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Bitrics

Luistro itinanggi umano’y ‘bayaran’ at mga parusa kaugnay ng boto ng Kamara sa impeachment ni VP Sara

22 Views

ITINANGGI nitong Sabado ni House Committee on Justice chair Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas ang mga pahayag nina Vice President Sara Z. Duterte at Sen. Imee Marcos na umano’y may iniaalok na pera, dagdag na maintenance and other operating expenses (MOOE), at mga proyekto sa mga miyembro ng Kamara kapalit ng pagboto pabor sa impeachment ng Bise Presidente.

Itinanggi rin niya ang alegasyong tinatakot ang mga mambabatas ng budget cuts at mga kaso kung boboto sila laban dito.

Sinabi ni Luistro, chair ng House Committee on Justice, na wala siyang naranasang ganitong alok o pagbabanta mula nang magsimula ang impeachment proceedings. Binigyang-diin din niya na ang pokus niya ngayon ay ang pagtatanggol sa committee report sa plenaryo.

“Of course, I can speak for myself only and I deny that pronouncement of Senator Imee with all due respect to her. Wala po akong na-encounter na ganyan,” sabi ni Luistro sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

“I deny that as well in as far as I am concerned, wala po tayong naririnig, na-e-encounter na ganyan. As a matter of fact, wala pong kumausap sa akin regarding this impeachment process since Day 1 of our proceeding in the Justice Committee,” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ni Marcos na may malaking incentive package umano upang matiyak ang mga “yes” vote sa Kamara para sa impeachment ni Duterte. Kabilang umano rito ang pera, dagdag na buwanang MOOE, at mga proyekto para sa mga mambabatas na susuporta sa reklamo.

Iginiit din umano ng senador na ang mga boboto ng “no” ay maaaring mawalan ng budget at maharap sa mga kaso—isang alegasyong itinanggi ni Luistro batay sa kanyang sariling karanasan sa proceedings ng Kamara.

Matapos linawin ng isang reporter na umano’y tinutukoy ni Marcos ang P5 milyong cash, P3 milyong dagdag na MOOE kada buwan, at P150 milyong halaga ng proyekto, muli itong mariing pinabulaanan ni Luistro.

“Just for the record, similarly, I deny that statement,” sabi niya.

Binasura rin ni Luistro ang mga pahiwatig na ang impeachment vote ay pinatatakbo ng mga insentibo. Ayon sa kanya, dalawang buwan na pinagtrabahuhan ng House justice panel ang proseso at walang lumapit, nag-alok, o nanakot sa kanya sa buong panahong iyon.

“Ako kasi I do not pay attention, so much attention on that, no. Tayo po ay nagfo-focus lamang sa ating trabaho,” ani Luistro.

“The task on defending the committee report before the plenary is really tough. So instead of focusing on the baseless statements of the people around, I would rather focus on how am I going to deliver my report to the plenary,” dagdag niya.

Tinanong din si Luistro tungkol sa reaksyon ni Duterte sa mga ulat na sapat na ang bilang ng boto sa Kamara para sa kanyang impeachment, matapos sabihin ng Bise Presidente na marami umano ang kumikita gamit ang kanyang pangalan at umaasa siyang mapapakinabangan ng kanilang mga constituent ang perang nasa kanilang bulsa o maleta.

Itinanggi ni Luistro ang pahiwatig ni Duterte at iginiit na ang kanyang pakikilahok sa impeachment process ay hindi kailanman naimpluwensiyahan ng pera, pressure, o pananakot.

“Similar answer to that. I deny that. Wala po tayong na-encounter ng mga ganyang offer,” sabi ni Luistro.

“As a matter of fact, we consumed two months in the Justice Committee. Wala pong kumausap sa akin, nag-alok sa akin, nanakot sa akin. I deny the statement of the Vice President,” dagdag niya.