News

Subpoena kay Bato sa mga ‘EJKS’ na resulta ng drug ops

Alfred Dalizon May 11, 2026
27 Views

Bato1IPINADALA na noong Lunes ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang subpoena duces tecum sa tatlong kilalang address ni Senador Ronald “Bato” M. dela Rosa kaugnay ng muling pagbubukas ng imbestigasyon sa umano’y mga “extra-judicial killings” (EJKs) sa Davao City noong alkalde pa rito si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte at si dela Rosa ang hepe ng pulisya sa lungsod.

Ang subpoena na pirmado ni PNP-CIDG director Major General Robert Alexander A. Morico II ay inihatid sa opisina ni Sen. dela Rosa sa gusali ng Senado sa Pasay City at sa kanyang mga kilalang tirahan sa Barangay Magtuod sa Davao City at Barangay Bato sa Santa Cruz, Davao del Sur.

Inatasan ang senador na humarap sa CIDG Major Crimes Investigation Unit na pinamumunuan ni Lieutenant Colonel Jerome Jay Ragonton sa Huwebes, Mayo 14, alas-10 ng umaga “upang linawin ang ilang usapin, magsumite ng sinumpaang salaysay o affidavit, magbigay ng mga dokumento at iba pang mahalagang impormasyon kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon ng grupong ito.”

Inilabas ang subpoena kaugnay ng “imbestigasyon sa mga pangyayari at kalagayan ng umano’y extra-judicial killings (EJKs) sa rehiyon ng Davao batay sa pagdinig ng Quad Committee ng House of Representatives at sa mga rebelasyon sa mga panayam publiko ng whistleblower na si dating Senior Police Officer 3 Arturo Lascañas.”

“Failure to comply without adequate cause or valid justification shall be a ground for the filing of a case for indirect contempt of court against you under Rule 1, Revised Rules of Court in relation to Section 1 of Republic Act No. 10973,” ayon kay Maj. Gen. Morico.

Ayon kay PNP spokesperson Brigadier General Randulf T. Tuaño, nilagdaan ang subpoena noong Linggo. “This has no connection with the purported ICC warrant of arrest. Kaugnay lang po ito sa mga lumutang na complainants re death under investigation, yung mga nangyari dahil sa drug operations noong city director pa siya ng Davao City,” ani ng opisyal.

Nauna rito, sinabi ng PNP na ipagpapatuloy nito ang fact-finding review kaugnay ng mga naiulat na extrajudicial killings at iba pang kaugnay na insidente noong madugong kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

Naglabas ng pahayag si PNP chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr. matapos ang direktiba mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), bilang bahagi ng hakbang upang palakasin ang pananagutan at masusing repasuhin ang mga nakaraang operational reports.

Sa isang press briefing sa PNP National Headquarters sa Camp Crame, nilinaw ni DILG Secretary Juanito Victor C. Remulla na walang inilabas na red notice laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at itinuring niyang hindi beripikado ang mga kumakalat na ulat.

“I have not seen any copy, and I have no information confirming a red notice. There is none,” ani Sec. Remulla habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng pag-asa lamang sa mga beripikadong opisyal na rekord.

Iniutos din niya sa PNP na ipagpatuloy ang pagrerepaso sa mga dating ulat at reklamo kaugnay ng mga insidenteng may kinalaman sa EJK noong mga nakaraang police operations, kabilang ang panahong nagsilbi si Senador Dela Rosa bilang Davao City Police Director.

Bilang tugon, sinabi ni Gen. Nartatez na magsasagawa ang PNP ng tuloy-tuloy at nakabatay-sa-ebidensiyang imbestigasyon gamit ang umiiral na mga rekord ng kaso at ulat mula sa iba’t ibang police units at oversight bodies.

“This is a continuing investigation. We will examine available reports and documents to ensure we have a complete and factual account,” ayon sa hepe ng PNP.

Kinumpirma rin niya na inatasan ang CIDG na pangunahan ang imbestigasyon at magsimulang mag-isyu ng mga subpoena sa mga indibidwal na nakapangalan sa mga rekord ng kaso bilang bahagi ng standard fact-finding procedures.

“Ang mahalaga dito ay maayos at patas ang proseso. The CIDG will issue subpoenas so concerned individuals can formally provide information in aid of investigation. This is part of due process,” dagdag niya.

Nilinaw din ng PNP chief na ang mga subpoena ay hindi arrest warrant kundi mga legal na dokumentong ginagamit upang mangalap ng impormasyon at linawin ang mga natuklasan.

Ang PNP-CIDG sa pamumuno ni Major General Robert Alexander A. Morico II, kasama ang PNP Directorate for Investigation and Detective Management at ang PNP Legal Service, ang mangangasiwa sa imbestigasyon upang matiyak na ang lahat ng proseso ay naaayon sa batas, maayos ang koordinasyon, at nakabatay sa ebidensiya.

Tiniyak din ng mga opisyal na magiging patas at walang kinikilingan ang proseso. “We will treat everyone with respect. This is about establishing facts through proper legal channels,” ayon kay Gen. Nartatez.

Sinabi rin niya na maaaring anyayahan ang mga taong pinangalanan sa mga naunang ulat, kabilang si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, upang magbigay ng impormasyon bilang bahagi ng nagpapatuloy na fact-finding review.

Nilinaw din ng mga awtoridad na wala pang inilalabas na arrest order kaugnay ng naturang review.

Ayon sa PNP, layunin ng review na tugunan ang matagal nang mga katanungan tungkol sa mga nakaraang operational reports at palakasin ang institutional accountability.

Binigyang-diin ni Gen. Nartatez na bahagi ang prosesong ito ng pangako ng organisasyon sa transparency at tiwala ng publiko.

“We are doing this the proper way, guided by evidence and due process. Walang sinisino, basta ang mahalaga ay lumabas ang katotohanan.”