Cong. Tulong

Pagre-repaso sa Renewable Energy Act itinutulak

Mar Rodriguez May 17, 2026
33 Views

ISINUSULONG ni 1-TAHANAN Party List Rep. Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado sa Kamara de Representantes ang pagre-repaso sa Renewable Energy Act kasama na dito ang mga patakaran sa net metering upang maging madali ang pagpapakabit ng rooftop solar panel para sa mga pamilyang Pilipino.

Ayon kay Oducado, kailangang rebyuhin ang nasabing batas para maging madali ang pagpapakabit ng mga rooftop panel habang patuloy na tumataas ang presyo ng kuryente sa bansa.

Pagbibigay diin ng kongresista na hindi dapat parusahan ang mga pamilya sa pagsisikap nilang mapababa ang kanilang bayarin sa kuryente sa pamamagitan ng malinis na enerhiya.

Binubura ng red tape ang mga benepisyo ng green energy, sabi pa ni Oducado, kung saan kamakailan ay nagbabala umano ang Manila Electric Company (Meralco) sa mga regulators hinggil sa tinatawag na mga guerrilla solars.

Ang mga “guerrilla solars”, ipinaliwanag pa ng mambabatas, ay tumutukoy sa mga hindi rehistradong rooftop solar system na naka-konekta sa grid nang hindi dumadaan sa buong proseso ng net metering na maituturing na illegal.

“Nauunawaan natin ang pangangailangan sa mga pamantayan sa kaligtasan. Ngunit ang solusyon ay hindi dapat karagdagang red tape at burukrasya na nagpapawalang gana sa mga ordinaryong may-ari ng bahay na mag-solar,” ani Oducado.

Sa ilalim ng Renewable Energy Act, dagdag pa ng Party List solon, ang mga sambahayan sa bansa na magkakabit ng mga renewable energy system at magluluwas ng labis na kuryente sa grid sa pamamagitan ng net metering.

Gayunpaman, maraming mamimili ang nagrereklamo na ang mga pag-apruba ay nananatiling mabagal, magastos at mahirap lakarin.

𝗧𝗼 𝗚𝗼𝗱 𝗯𝗲 𝘁𝗵𝗲 𝗚𝗹𝗼𝗿𝘆