Barbers1

Ex-Rep. Barbers tiwala sa Senate impeachment court

Mar Rodriguez May 19, 2026
27 Views

BUO ang tiwala ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace “Alas” Barbers sa binuong Senate impeachment court.

“Lubos akong nagpapasalamat na agad na ipinatawag ni Senate President Alan Peter Cayetano ang Senado bilang isang impeachment court na nagbigay wakas sa samu’t-saring ingay at espekulasyon na ipagpapaliban ng Senado ang prosesong itinatadhana ng Konstitusyon,” pahayag ni Barbers.

Ang proseso ng impeachment trial ang nagbibigay ng pagkakataon para kay Vice President Sara Duterte na makilahok at maglahad ng kanilang ebidensiya para pasinungalingan ang mga paratang laban sa kanya.

Mismong si VP Duterte na ang nagpahayag na hindi naging patas ang Kamara de Representantes sa ginawa nitong impeachment hearing kaya sasagutin na lamang nito sa Senate impeachment ang mga akusasyon laban sa kaniya.

Kumpiyansa si Barbers sa impeachment team ng Kamara sa pangunguna ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro.

Nakatutok ngayon ang buong mamamayan, sabi pa ni Barbers, kay Cayetano bilang pinuno ng Senate impeachment court kasunod ang pagpapahayag ng kaniyang tiwala na magkakaroon ng patas at walang kinikilingang paglilitis ang mga senator-judges.

“Umaasa kami na ang kapakanan ng bansa ang magiging pangunahing konsiderasyon ng mga Senator-Judges sa paglalabas ng kanilang hatol,” sabi ni Barbers.