Car Nagsagawa ng inspection ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard Explosive Ordnance Disposal (EOD) unit para paigtingin ang security operations sa Senado. Naglagay ang mga otoridad ng Under Vehicle Inspection System (UVIS) para ma-scan ng todo ang mga sasakyan na pumapasok sa compound. Ang bagong device ay nakaka-detect ng mga explosives, contraband at ibang banta sa seguridad. Kuha ni JOSEPH MUEGO

Mahigpit na seguridad sa Senado ipinatupad

33 Views

NAGPATUPAD ang Senado ng comprehensive security inspection bago ang special session ng sa Hunyo 17 at nakatakdang pre-trial conference sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Inilabas ni acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian ang advisory bilang bahagi ng mga hakbang sa seguridad na ipinatutupad sa Senado noong June 9.

Ayon sa advisory, batay ang hakbang sa patuloy na impormasyon at intelligence reports mula sa National Bureau of Investigation, National Intelligence Coordinating Agency at iba pang security assessments kaugnay ng umiiral na security concerns.

Kaugnay din ang mahigpit na seguridad sa mga concern sa political tensions, nagpapatuloy na impeachment proceedings, inaasahang mass mobilizations at iba pang posibleng kilos na maaaring makaapekto sa seguridad ng mga senador, opisyal at kawani ng Senado na makaabala sa operasyon ng kapulungan.

Ginagamit na rin ng security personnel ang Under Vehicle Inspection System upang inspeksyunin ang mga sasakyang papasok sa Senado.

Nakita rin ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard na tumutulong sa inspeksyon sa gate ng Senado.

Patuloy din ang paghihigpit sa pagpasok, kabilang ang pagbabawal pa rin sa mga bisita at mas mahigpit na inspeksiyon sa mga kawani.

Inaasahang susunod ang security personnel sa maximum tolerance upang maiwasan ang panibagong kaguluhan.

Nakatakdang magtipon ang Kongreso sa special session sa June 17. Nakatakda rin sa June 18 ang pre-trial conference ng Senate impeachment court kaugnay ng impeachment proceedings laban kay Duterte.