LTFRB

Operator ng taxi pinatawag dahil driver nag-live stream habang nagmamanenho

Jun I Legaspi Jul 11, 2026
29 Views

NAGLABAS ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ng show cause order (SCO) laban sa operator ng isang taxi matapos mahuling nagla-live stream sa social media ang driver nito habang nagmamaneho.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, malinaw na paglabag ito sa Memorandum Circular No. 2026-050 na kamakailan lamang inilabas ng ahensya, na nagbabawal sa mga PUV driver na mag-vlog, mag-live stream, o gumawa ng social media content habang nagmamaneho alinsunod sa Republic Act No. 10913 o ang Anti-Distracted Driving Act.

“Malinaw naming ipinaabot sa mga operator ng PUV sa pamamagitan ng memorandum na hindi namin kukunsintihin ang ganitong gawain dahil inilalagay nito sa panganib ang buhay ng driver, mga pasahero, at iba pang gumagamit ng kalsada,” ani Chairman Vigor.

Inilabas ng LTFRB ang memorandum matapos mapansin ang pagdami ng mga PUV driver na gumagawa ng social media content habang nasa biyahe, kabilang ang mga insidenteng may mga pasahero na sakay.

Sa inilabas na SCO, inatasan ang operator na magsumite ng nakasulat na paliwanag sa loob ng tatlong araw kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang Certificate of Public Convenience (CPC) nito. Batay sa viral na video, aktibong nagla-live stream ang driver habang minamaneho ang pampasaherong sasakyan.

Ayon sa LTFRB, ang naturang paglabag ay saklaw ng Section 2, Item No. 1 ng Memorandum Circular No. 2026-050, na nagbabawal sa pagva-vlog, paggawa ng social media content, at pakikipag-ugnayan sa social media habang nagmamaneho, kabilang ang pagba-browse, pag-scroll, pag-like, pagkomento, at iba pang uri ng interaksyon sa mga social media application.

Ang paglabag sa Memorandum Circular No. 2026-050 ay may katumbas na multang ₱5,000, at inatasan din ang operator na dumalo sa pagdinig sa Hulyo 21.

Muling nanawagan si Chairman Vigor sa mga PUV operator na paalalahanan ang kanilang mga driver na sumunod sa memorandum, at hinikayat ang publiko na iulat sa LTFRB ang mga paglabag na may kaugnayan sa kaligtasan sa kalsada.

“Mas magiging ligtas ang ating mga kalsada kung sama-sama nating pananagutin ang mga abusado at mapanganib na driver. Ipaalam lamang sa LTFRB ang anumang paglabag at kami na ang bahalang kumilos,” pagtatapos ni Chairman Vigor.